Baron Geisler: WANTED!

BONGGA TALAGA ITONG alaga kong si Yasmien Kurdi! Akala ko tapos na ‘yung kasong isinampa niya kay Baron Geisler, tuloy pala ‘yun.

Nu’ng last week nga naglabas ang Bocaue Municipal Trial Court ng warrant of arrest para kay Baron dahil dalawang beses na raw nitong ‘di sinipot ang arraignment ng kasong isinampa ni Yasmien laban sa kanya.

Umuusad pa rin pala ang kasong ito, dahil talagang pina-follow up ng abogado ni Yasmien na si Atty. Ferdi Topacio. Siyempre, suportado si Yasmien at si Atty. Topacio ng mga kapatid niya sa Iglesia ni Kristo kaya alam nila ang mga nagaganap.

Samantala si Baron, wala naman daw may nagpa-follow-up kaya nagulat na lang ito nang ipinapaaresto na siya.

Meron pang willing magbigay ng 50 thousand pesos na reward sa kung sino mang makapagbibigay-alam kung nasaan si Baron. So, parang wanted na talaga ang aktor.

Palagay ko naman, magbibigay na ngayon ng piyansa si Baron para meron siyang pansamantalang kalayaan at i-schedule na ang arraignment nito.

Nagulat si Yasmien sa balita dahil nasa Guam pa ito at nagbabakasyon kasama ang Mommy niya.

Medyo matagal-tagal daw siya roon dahil nandu’n ang karamihan ng pamilya ng Mommy niya. Kaya wala naman daw siyang masasabi tungkol diyan kundi bahala na ang abogado niya.

Ito pa palang si Baron, sinampahan pa ng kasong Libel ang abogado ni Yasmien dahil sa mga inilabas daw nitong interviews noon pero na-dismiss naman daw ito. Kaya nagpursige naman si Atty. Topacio na ituloy itong kaso hanggang sa naglabas na ng warrant of arrest kay Baron.

Sabi na lang ni Yasmien, sana matuto na raw si Baron dahil mukhang hindi naman nagbabago. Kahit kabi-kabila na ang mga kaso nito, gawa nang mga ‘di magagandang ginagawa niya kapag nalalasing ito.

NAGSALITA NA RIN si Rhian Ramos tungkol sa isyu nila ni DJ Mo at gaya ng inaasahan natin, itinatanggi niya ito na walang namamagitan sa kanila ng radio-TV personality.

Nag-sorry na raw sa kanya si Ruffa Gutierrez at pati na rin si DJ Mo dahil nadamay lang daw ito sa laglagan nila sa Paparazzi.

Kaagad naman daw nag-tweet sa kanya si Ruffa na nagsu-sorry kaya wala na raw isyu sa kanya ‘yun.

Hindi naman daw talaga sila nagkita sa Paris dahil hindi naman pumunta roon si Rhian.

Ang kuwento niya, sa Netherlands daw siya pumunta at nakipagkita sa Daddy niya. How I wish daw na makapunta siya sa Paris at kung sakaling magkita raw sila roon ni DJ Mo, wala naman daw masama dahil magkaibigan naman daw sila at nandu’n din naman daw sina Dra. Vicki Belo at Hayden Kho.

Kasi naman parang gusto lang yatang umingay ng Paparazzi at marami naman ang pumatol kaya siguro tapos na iyan, dahil sinagot na rin naman nina DJ Mo at Rhian.

Ang susunod na isyu rito ay kung paano sasagutin ni Hayden at ng abugado niya kung bakit pumunta ng Paris ang una.

Ang sabi kasi ng abogado ni Katrina Halili, paiimbestigahan daw niya kung talagang nag-Paris nga ito dahil ang ipinaalam lang daw nito ay pupunta ng Amerika na business trip. Pero mukhang nagbakasyon lang naman daw, dahil napabalita na ngang nag-Dancing with the Stars, nanood ng NBA at tumuloy pa ng Paris.

Kaya ipararating daw niya ito sa korte dahil magkakaroon na naman sila ng hearing ngayong araw na ito.

‘Yun na!

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

Previous articleDennis Padilla, may sama ng loob kay Willie Revillame?!
Next articleAktor na kinuhang host, tatanga-tanga?!

No posts to display