Bakit nagiging monster hit ang mga kanta ni Andrew E? Ano ang kanyang sikreto?

Leo Bukas
UNEXPECTED kay  Andrew E. na papatok at maghi-hit sa new generation ang kanta niyang Shoot! Shoot! Di Kita Titigilan na ginawa niya 18 years ago. Meron na ito ngayong 40M collective views sa Tiktok at patuloy pa ring tumataas.

Ginawa na ring pelikula ng Viva ang naturang kanta na siyempre si Andrew E din ang bida at nakakatuwang malaman na ang trailer ng Shoot! Shoot! ay meron na rin halos 10M views.

Bakit nagiging monster hit ang mga kanta ni Andrew E? Ano ang kanyang sikreto?
Andrew E.
 “Eighteen years ago, walang manghuhula na makakahula na maghi-hit yan sa TikTok, ’no? Ni sa isang iglap ng thinking ay hindi ko inisip na mamahalin ulit yan ng masa or mamahalin ulit ng mga music lovers,” overwhelmed na pahayag ng rapper-comedian.
“Imagine mo kung may social media na noon. Imagine-in mo lang kung ano kayang energy ang ibibigay ng madlang people, di ba? Eh, ngayon ang binibigay nilang energy for Shoot! Shoot! is amazing. Nakakagimbal, di ba?” dagdag niya.

Nung sinulat daw niya ang Shoot! Shoot at ang iba pa niyang mga naging hit songs tulad ng Humanap Ka Ng Panget, Alabang Girls at iba pa,  ay hindi niya iniisip na he is writing songs para maging famous ito. Masuwerte na lang daw at karamihan sa sinulat niya ay sumikat.

“Honestly, there’s no pressure for me writing for anything or writing songs for some particular something– wala. Hindi po ako ganu’n,” deklara niya. “Maybe ang tamang adjective for me would be yung tipong I always write something that would be so new and fresh again to the listeners.

“Yon palagi ang palatuntunan po ng isang Andrew. Kunwari, gagawa ako ng kanta, kailangan something new again, something ahead again. And how can we doubt? Shoot! Shoot! was written 18 years ago. So, gaano ka-ahead yon? Sobra naman yon, ’di ba?

“But then again, siyempre, ang plataporma ko is writing songs or maybe writing elements to the songs in as much as very imaginative in the future na tipong maaaring ahead, or maybe advance, or trend-setting – maybe,” paliwanag ng actor-rapper.

Bakit nagiging monster hit ang mga kanta ni Andrew E? Ano ang kanyang sikreto?
AJ Raval, Andrew E and Sunshine Guimary

Hirit pa niya, “Hindi ako singer, hindi ako manganganta, pero doon ko mapupunuan sa placing na yon – na hindi nga siya singer, but look, yung mga kanta naman niya is something new to our ears, something new to our imagination. Doon bumabawi ang isang Andrew E.”

Samantala, ang sexy stars na sina  AJ Raval at Sunshine Guimary ang kapareha ni Andrew E sa Shoot! Shoot! na mapapanood simula October 8 sa Vivamax at iba pang streaming platforms. The movie is directed by Al Tantay.