Baho ni Hayden Kho at ng pamilya, ibubunyag pa!

Baho ni Hayden Kho at ng pamilya, ibubunyag pa!

NAKU, ‘DAY! KUNG sino man ang nakapag-isip nitong magkalat ng tape na kung saan naka-record ang pag-uusap namin noon ni Hayden Kho, dapat mag-isip-isip kung makatutulong ba ito sa kanila.

Una, wala naman akong itinatangging nagkausap kami dahil naikuwento ko na nga iyan noon pa.

Pinagbigyan ko lang ang pakiusap ni Dra. Vicki Belo na harapin ko si Hayden at baka maintindihan ko nga ang paliwanag niya kung bakit niya ginawa ‘yun kay Katrina at sa iba pang babaeng lumabas sa sex video niya.

Wala naman akong kamalay-malay na niri-record pala nila ang pag-uusap namin.

Kung ano man ang pakay nila sa pag-record nu’n, wala naman silang magagawa dahil totoo naman lahat ng mga sinabi ko roon.

Ang masama lang, in-edit nila at ini-splice ang recorded na pag-uusap namin at pinalabas nilang ideya ko lahat at in-orchestrate ang lahat ng ginawa ni Katrina mula sa pagpunta kay Sen. Bong Revilla sa Senado hanggang sa pagpunta sa NBI. Pinalabas nila sa tape na ‘yun na pinlano ko at ideya ko ‘yun lahat. Bongga, ‘di ba?

Sa mga nakarinig nga ng tape na ‘yun, halata naman daw na in-edit nila ‘yun at iba na tuloy ang dating.

Marami na ngang nagkukumbinsi sa aking idemanda ko sila dahil wala naman akong ideya na iri-record nila ‘yun at gagamitin laban sa akin.

‘Di ba ang hilig talaga nilang mag-record gaya ng ginawa ni Hayden sa mga sex video niya? Audio nga lang ang sa kanila at hindi video gaya ng ginagawa ni Hayden. Ang cheap n’yo, ha?!

Naku, ‘day! Humanda kayo sa Startalk, magsasalita uli ako at marami pa akong ibubunyag sa inyo lalo na d’yan kay Hayden at sa pamilya niya.

Kaloka, ha?!

NAG-FILE NA RIN ng kasong Libel ang road manager ni Katrina Halili na si Omar Sortijas laban sa nanay ni Hayden, dahil idinamay nga siyang nagdu-droga kasama si Katrina.

Ewan ko kung kayang harapin ito lahat ng nanay ni Hayden, dahil bukod sa pagbabantay niya sa anak niya, haharapin niya itong kasong isinampa ni Katrina sa Quezon City at si Omar naman ay sa Imus, Cavite. Pursigido sina Katrina at Omar na ipagpatuloy ang kaso at nagpapasalamat nga sila dahil sa marami naman ang tumutulong sa kanila na ipaglaban ang kasong ito.

Pagkatapos mag-file ni Omar, tumuloy na rin siya ng PDEA para magpa-drug test, pero hindi pa yata lumabas ang resulta.

Naging negative naman si Katrina sa drug test at pati na rin yata si Hayden, kaya obvious namang gusto lang nilang iligaw ang isyu para hindi na mapagtuunan nang pansin ang tungkol sa sex video na ginawa niya.

Sabi nga ng abugado ni Katrina, at least makakapag-focus na raw sila ngayon sa isyu ng sex video at ang kasong Rep. Act 9262 na Anti-Violence Against Women and Children na isinampa laban kay Hayden at iba pang kaibigan nito.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis