Bahay Pagpag

ADVERTISING

Bahay Pagpag

AYON SA isang survey ay naitala ngayong taon ang pinakamababang bilang ng pagkagutom sa bansa. Bumaba ng 3% ang bilang ng nagugutom ngayong 2015 kumpara noong 2014. Kinontra naman ito ng TUP (Trade Union of the Phlippines) at sinabing ang dahilan ng pagbabang ito ng survey ay ang pagbili at pagkain ng maraming mahihirap sa bansa ng pagkaing pagpag. Ang pagkaing pagpag ay mga tira-tirang pagkain mula sa mga fast food chains na nakukuha sa basura at inilulutong muli para makain ng tao. Mura ang presyo ng pagpag kumpara sa mga bilihin sa tindahan at palengke. Sa halagang 5 piso ay makakain ka na ng kanin at ulam.

ADVERTISING

Sa isang awitin ni Gary Granada na may pamagat na ‘bahay’, tinalakay niya ang kalagayan ng mga taong nakatira sa kariton at mga bahay sa tambakan na gawa lamang sa mga pinagtagpi-tagping basura. Binubungan lamang ng luma at kalawanging yero ang mga bahay na ito at pinatungan ng bato upang hindi liparin ng malakas na hangin ang mga bubong nila. Ang kantang ‘bahay’ ay nanalo ng grand prize sa isang patimpalak ng Metro Pop noong dekada ‘80. Sa awiting ito ay tinalakay ng mang-aawit ang isyu sa pabahay sa ating lipunan. Base sa awiting ‘bahay’ ay tila tinanggap na sa ating lipunan ang ganitong uri ng tirahan dala ng kahirapan sa buhay.

Nakababahalang isipin na tila nalalagay sa parehong kamalayan ang pagtanggap ng mga mahihirap sa pagkaing ‘pagpag’ sa pagtanggap nila sa uri ng kanilang tahanan. Masasabi kong noon ay malinis na kanin at ulam pa rin ang pinagsasaluhan ng mga maralita sa Maynila sa kabila ng pagtitiis nila sa kanilang mga mumunting barong-barong. Hindi gaya ngayon na pati ang kanilang kinakain ay may bahid ng karukhaan at wala na ito halos pinagkaiba sa kinakain ng mga alagang baboy sa probinsya. Ang malungkot sa lahat ay tila tinatanggap na rin ng pamahalaang Aquino ang uri ng buhay na kumakain ng ‘pagpag’ bilang pagtakas sa problema ng kagutuman.

 

ADVERTISING

ANG PAGTAKAS sa problemang kagutuman ng pamahalaang Aquino ay isang pagtataksil sa bayan. Sa pagmamalaki nila na nabawasan ang antas ng kagutuman sa bansa, sa kabila ng katotohanang naibsan lamang ang gutom ng mahihirap dahil sa pagkain ng ‘pagpag’, ibinababa ng pamahalaang ito ang uri at antas ng pagkatao ng mga kababayan nating maralita rito sa NCR (National Capital Region). Kung tinatanggap ng pamahalaang Aquino na maaari nang ituring ang ‘pagpag’ bilang marangal na pagkain ay dapat kumain din sila nito sa Palasyo ng Malacañang.

Dapat ay subukan ding tumira ng Administrasyong Aquino sa mga bahay na barong-barong at magsiksikan sila roon para maunawaan nila ang kahulugan ng ‘bahay’ para sa mga maralita. Nagiging kasanayan kasi ang lahat ng bagay at pagtitiis para sa mga mahihirap. Dahil wala naman silang inaasahang kongkretong tulong na pabahay mula sa pamahalaan ay gumagawa na lamang ng paraan ang mga maralita sa lungsod para magkaroon ng sisilungan.

Sa kaparehong lupit ng kapalaran ay pagtitiis din ang nagtulak sa mga mahihirap na kumain ng ‘pagpag’. Gaya ng problema sa pabahay ay wala rin namang kongkretong programa ang pamahalaan para makakain ng marangal ang ating mga kababayang kapos sa buhay. Imbes na mamatay sila sa gutom ay gumawa sila ng paraan para makakain. Nag-aabang sila ng mga tira-tirang pagkain mula sa basura ng mga fast food chains at hotel. Lulutuin nila ito muli para maalis ang lasang panis upang makain. Ibinebenta rin ang ‘pagpag’ sa murang halaga at naging paraan na rin nila ito upang kumita ng pera.

 

KUNG DURUNGAWIN mo ang ilalim ng mga tulay sa Kamaynilaan ay hindi lamang mga daga at insekto ang iyong matatanaw. May mga pamilya ring nakatira rito. Tila ba hindi na maipag-iiba ang uri ng tirahan ng mga daga sa tirahan ng mga kaawa-awang mahihirap sa lungsod. Pinabababa nito ang kanilang pagkatao at masasabing nagpapaka-hayop sila sa uri ng kanilang mga tahanan.

Gayun din ang dinaranans nila ngayon sa klase ng pamumuhay na umaasa lamang sa pagkaing ‘pagpag’. Wala na rin halos kaibahan ang pagkain nila sa mga alagang baboy na kinukuha rin ang pagkain sa mga tira-tira ng kapit-bahay na kung tawagin ay ‘kanin-baboy’. Hindi na makatao ang pagtanggap sa pagkaing ‘pagpag’. Makahayop na rin ito.

Bakit tila hinahayaan ng pamahalaang Aquino ang gawaing kumain ng ‘pagpag’? Maaari naman sigurong pumasok ang DOH at DSWD sa isyung ito para mailigtas ang ating mga kababayan sa tiyak na kapahamakan. Ang lumalabas ngayon ay masaya pa yata ang pamahalaang Aquino dahil natutunan na ng mahihirap na kumain ng ‘pagpag’. Kaya sa tuwing may survey ay lalabas na hindi na sila nagugutom dahil nakakain na rin naman sila. ‘Yun nga lang ay sa ‘pagpag’ umasa at tumakas mula sa kagutuman ang mga maralita.

 

ILANG ULIT ko nang binanggit sa aking mga artikulo na ang paglilipat sa mga maralita sa NCR patungong kanayunan o probinsiya ay isang malaking solusyon sa problema ng kahirapan sa NCR. Dapat ay paunlarin pa ng pamahalaan ang mga malalapit na probinsiya sa Maynila, gaya ng Laguna, Batangas, Quezon,Bulacan, Pampanga, at Tarlac at lumikha pa ng maraming trabaho rito. Kung may mga trabaho rito ay madaling mailipat ang mga maralita sa NCR patungo sa mga probinsyang ito. Madali rin ang pagkuha ng pagkain sa probinsiya, hindi gaya sa Maynila. Sa huli, bukod sa luluwag nang bahagya ang siksikan ng mga tao sa NCR ay mas mapabubuti pa ang kalagayan ng mga mahihirap sa NCR.

Shooting Range
Raffy Tulfo

ADVERTISING