Ara Mina at Rosanna Roces excited na sa pagpasok ni Sharon Cuneta sa ‘Ang Probinsyano’

Leo Bukas
MASAYA at parehong excited sina Ara Mina at Rosanna Roces sa pagpasok ni Megastar Sharon Cuneta sa action-seryeng FPJ’s Ang Probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin na kinabibilangan din nila ngayon.
Mahigit isang taon na si Ara sa FPJAP playing the role of Ellen Padua sa show samantalang si Rosanna ay isa sa pinakabagong karakter na gumaganap naman bilang ina ni Julia Montes.
Ara Mina at Rosanna Roces excited na sa pagpasok ni Sharon Cuneta sa 'Ang Probinsyano'
Ara Mina and Rosanna Roces | Inset: Coco Martin and Sharon Cuneta

“Happy kami. Masayang-masaya kami,” bulalas ni Rosanna sa virtual mediacon ng Pornstar 2 na ipapalabas sa Vivamax.

Sey naman ni Ara, “Excited!”

Dagdag ni Osang, “Actually, after nung storycon didiretso yon sa taping ng ASAP, tapos didiretso yon sa look test namin sa gabi. Kaya it’s a whole day affair for her tomorrow,” sabi pa niya sa virtual presscon ng Pornstar 2 noong Nov 8, Lunes.

“At saka celebration din kasi ng 6th year anniversary ng Ang Probinsyano sa taping ng  ASAP,” hirit pa ni Ara.

Parehong malapit kay Sharon Cuneta sina Ara at Rosanna. Parang kapatid na ang turing ni Ara kay Sharon na kinuha pa niyang ninang sa kanilang kasal ng asawang si Dave Almarinez.

Nagsimula naman ang pagkakaibigan nina Osang at Sharon nang magkasama sila sa pelikula ni Darryl Yap na Revirginized.

Ayon kina Ara at Osang, hindi pa nila alam kung ano ang magiging role ni Sharon. Wala rin silang ideya kung kakampi ba ito o kaaway.

Ani Osang, “Nag-iiba-iba pa yung istorya, eh. Pero I’m sure exciting kung anuman ang magiging role niya sa Ang Probinsyano.”

Pinatotohanan naman ito ni Ara at sinabing, “To be honest, do’n lang namin nalalaman sa set yung mangyayari sa amin. Nag-iiba-iba siya.”

“Pag nakaayos na kami at pinatawag na kami sa set do’n pa lang ilalagay, ipapasa sa cellphone namin yung dialogue. Do’n pa lang namin nalalaman kung ano yung mangyayari. So, clueless kami kung ano yung kukunan kinabukasan o sa susunod na araw,” dagdag pa ni Osang.

“Ginagawa kasi nila yung script a day before,” hirit naman ni Ara.