Apo ni Dindo Fernando, bibida na sa pelikula

Dindo-Jake-Fernando-JrUSO NGAYON ang mga batang artista at kabi-kabila ang kanilang teleseryeng nilalabasan.

Malakas ang kaway ng showbiz sa child actor na si Dindo Jake Fernando, Jr., apo ng namayapang magaling na drama actor na si Dindo Fernando.

Napapanood lang ng child actor ang kanyang lolo sa cable TV at gusto niyang gayahin ito sa pag-arte.

Hilig nito ang pag-aartista sapul pa sa pagkabata at paborito niya si John Lloyd Cruz na magaling din sa drama.

Grade VI na ito sa pagpasok sa Xavier School at kahit mag-artista ay hindi naman pababayaan ang pag-aaral. Tunay niyang pangalan ay Jack Ryan Rafael. Paborito niya ang Science at Math at gusto niyang maging piloto o scientist sa kanyang paglaki.

Nakita si Dindo ni Direk Dinky Doo at nang malaman na gusto pala niyang mag-artista ay isinama agad siya ng director sa unang pelikula niyang 1 Day, 1 Araw (I Saw Nakakita).

Nagulat si Direk dahil unang salang pa lang ay alam niya na ang kanyang lines, natural umarte at marunong sumunod sa instruction ng direktor.

“Mahusay siyang umarte dahil nasa dugo niya ang pag-aartista,” anang direktor.

Mahusay rin siyang makisama sa lahat kaya magkasundo sila ng bidang si Alaina Jezl Ocampo o AJ sa launching movie nitong 1 Day, 1 Araw (I Saw Nakakita).

Pagkatapos ng pelikula ni AJ, ilulunsad naman sa pagiging bida si Dindo Jake sa Hating Kapatid Rock N Roll Bang na tatampukan din ni Eric Fructuoso, Ritz Azul, Nina, Zandro Muhlach, Kier Legaspi, Bentot Jr. at ipakikilala si Jahviel C. Clarion bilang Dinky Dah. Ito’y sa direksyon din ni Dinky Doo.

(Emy Abuan)