Angelica Panganiban at JM de Guzman, magpapa-in love bago mag-Valentine

Angelica Panganiban at JM de Guzman, magpapa-in love bago mag-Valentine

Angelica-Panganiban-JM-De-Guzman-Antoinette-JadaoneMUKHANG MAKAIISKOR na naman si Direk Antoinette Jadaone sa That Thing Called Tadhana, dahil trailer pa lang ay mukhang umani na ng curiousity sa mga manonood.

Matatandaang si Direk Antoinette din ang sumulat naman ng script ng English Only Please na pumang-apat sa nakaraang Metro Manila Film Festival.

At sa February 4 naman ay pre-Valentine offering ng Star Cinema ang pelikulang ito nina Angelica Panganiban at JM de Guzman na wala namang ibang pinagsamahang teleserye, pero paiinlabin nila ang mga manonood, dahil sa napapanahong mga linyahan sa pelikula.

Matagal pala bago nakapagdesisyon si Angelica na tanggapin ito. At ang senyales ng pagtanggap niya ay ipinost niya ang script nito sa Instagram para sabihing gusto na niyang gawin ang movie, dahil para sa kanya ito.

“Akala ko nga, sa tagal kong sumagot, baka me nakuha na silang iba, eh. Talagang para sa akin ito!”

At sa mga nakapanood na nito nu’ng Cinema One Originals Festival ay nagsasabing may “K” si Angelica na maka-tie bilang best actress si Nora Aunor.

At paano nga ba sila nag-gel ni JM?

“Wala lang. Gaya-gaya lang siya. Nagpabili ako ng Jollibee, nagpabili rin siya. Gano’n lang ang bonding namin, tapos, okay na.

“Kaya nga sa poster, ginaya niya ako riyan. Ako, dalawang kamay, siya isa. Hahahaha!”

Oo nga. Hollywoodish ang dating ng poster. Pagkakita mo pa lang sa poster ay tatapunan mo na ng ngiti, dahil ang lakas lang maka-good vibes.

Sana, gano’n din ang feeling namin ‘pag napanood na namin. As in excited much.

Oh My G!
by Ogie Diaz