Angelica Panganiban, ‘di papayag na tumandang mag-isa

ADVERTISING

Angelica Panganiban, ‘di papayag na tumandang mag-isa

Angelica Panganiban
Angelica Panganiban

May gusto si Angelica Panganiban para sa kanyang sarili.

Mula nang mag-break sila ng boyfie niya na si John Lloyd Cruz na until now, hindi sinasabi ng dalawa ang dahilan, may gusto naman ang aktres para sa kanyang sarili.

“Ayoko namang tumandang mag-isa. Pero ang idea lang sa akin ay hindi tumandang mag-isa. Magkaroon ako ng special someone, anak man ‘yan or lalake or best best friend. Kahit na sino basta ayoko lang tumandang mag-isa.

“Hindi siguro in the near future (tungkol sa marriage), pero alam n’yo ang isip naman ng tao, nagbabago ‘yan kaya and baka ma-misquote lang ako. Nirerespeto ko lahat ng mga taong nakakita ng kanilang partners at successful sa kanilang married life,” pahayag niya sa media launch ng kanyang latest drama under Star Cinema na “The Unmarried Wife” mula sa direksyon ni Maryo J. delos Reyes na showing na come November 16, kasama sina Dingdong Dantes at Paulo Avelino.

ADVERTISING

Akala nga ng marami, ‘yong sa kanila ni Lloydie ay for keeps. ‘Ika nga, sila na talaga, na ang lahat ng nasimulan nila ay mauuwi na rin sa kasalan.

Pero nang mag-break sila, tila lumamlan ang buhay pag-ibig ni Angge. Walang lalaking na-link sa kanya na masasabing ipinalit niya kay JLC. Natsimis siya sa anak ni President Rodrigo Duterte na si Baste, pero hindi naman daw ‘yun totoo.

“Tsismis lang,” sabat niya.

Aminado si Angge na marami siyang natutuhan sa mga experience niya sa pag-ibig.

Sabi ng aktres, “Hindi, hindi ganu’n kasakit. Magtira ka sa sarili. ‘Yun ang ginawa ko, nagtira. Mali ‘ata ‘yun, eh. Kaya ‘yung susunod ko, hindi ko na siya ulit susundin. Buong-buo na naman, ganu’n.

“Pero kailangan mong tanggapin ‘yun na eventually na kung hindi para sa iyo, hindi para sa iyo. Kung para sa iyo eh, ‘di salamat. Pero kung hindi, move on tayo at bili tayo ng maraming pusa at saka aso,” natatawang sabi niya sa press na pinalibutan siya after the open forum.

Reyted K
By RK VillaCorta

ADVERTISING