Angel Locsin: Real-Life Superwoman!

HINDI NAMIN MAPIGILANG hangaan ang ipinakitang kabaitan ni Angel Locsin noong nakaraang bagyo. Walang kiyeme kasi itong tumulong sa mga nabiktima ni Ondoy. Nagsagawa ito ng relief operations sa mga nasalantang lugar at namigay ng mga plastik na may mga relief goods. Tumulong rin ito sa paglilinis at pag-aayos sa Payatas kasama ang ilan sa mga kaibigan niyang Kapamilya stars tulad nina Zanjoe Marudo at Maricar Reyes. Tulad ng kanyang mga ginampanang papel sa mga programang Mulawin, Darna at Majika, tila isa ngang tunay na superwoman si Angel.

In fairness, consistent talaga dalaga sa ganitong mga gawain. Matatandaang active Gabriella supporter ito na tumutulong sa mga kababaihang inaapi. Madalas nga niyang sine-celebrate ang kanyang kaarawan kasama ang mga kapus-palad. Pinatunayan niyang kahit ang mga artista ay puwedeng-puwedeng tumulong nang walang kapalit. Nag-donate din si Angel sa Sagip Kapamilya Foundation at may chika kaming narinig na maging sa GMA Kapuso Foundation ay nagbigay rin ito.

Gayunpaman, marami na naman ang umiintriga sa pagtulong ng aktres. Kesyo nagsariling-lakad daw ito at hindi sumama sa mga kapwa Kapamilya stars na tumulong sa Ondoy victims. Imbes na magsiraan tayo, bakit ‘di na lang tayo magpasalamat na ang mga artistang tulad ni Angel ay nagsi-share ng kanyang blessings sa mga nangangailangan? Wala rin namang teleseryeng kailangang i-promote si Angel para ito’y intrigahin nang bonggang-bongga. To Angel, just keep it up! Ipagpatuloy mo lang ang iyong sinimulan at siguradong mas lalo kang mamahalin ng masa.

By Mica Rodriguez

Photos By Allan Sancon

Angel Locsin: Real-Life Superwoman!