Angel Locsin at Luis Manzano, hiwalay na rin?

Angel Locsin at Luis Manzano, hiwalay na rin?Sa pagpasok ng 2016, tila nauuso ang hiwalayan sa mga showbiz couples. Matapos mabalitang kumpirmadong hiwalay na ang dalawang Kapamilya couples na sina Bea Alonzo at Zanjoe Marudo at Angelica Panganiban at John Lloyd Cruz, isa pang Kapamilya couple ang usap-usapang hiwalay na rin daw.

Matapos ang mahigit dalawang taong relasyon mula nang magkabalikan, nag-break na rin daw sina Angel Locsin at Luis Manzano.

Nag-ugat ang ispekulasyon nang mapansin ni Vice Ganda na naiyak si Angel sa Pilipinas Got Talent nang maghayag ang isang male contestant ng kanyang pag-ibig sa kapareha. Ang pag-iyak umano ni Angel Locsin ay dahil sa hiwalay na nga umano sila ni Luis Manzano.

Kasama ni Angel sina Vice Ganda, Robin Padilla, at Freddie M. Garcia bilang mga hurado sa bagong season ng PGT. Host naman si Luis ng show kasama si Billy Crawford.

Ani Vice Ganda, “Luis, umiiyak si Angel!”

Kapansin-pansing na-conscious si Angel at habang papalapit si Luis sa kanya ay tumalikod ito ng upo. Nang tanungin ni Luis si Angel kung bakit ito umiiyak, isang titig na punum-puno ng emosyon ang tanging tugon ni Angel.

Bukod dito, balita ring lagi raw umiiyak si Angel kapag break sa taping ng PGT.

Kung totoo ang balitang ito, mali ang inakala ng tagasuporta ng dalawa na sa kasalan na mauuwi ang ang kanilang realasyon matapos na magbalikan noong 2014. Unang naging magnobyo ang dalawa noong 2007 at naghiwalay noong 2009, na hindi na nila sa publiko ang dahilan ng nasabing hiwalayan.

Nitong nakalipas na Holiday Season, magkasama pang nagbakasyon ang dalawa sa Amerika, kasama ang ama ni Luis na si Edu Manzano at mga kapatid na sina Addie at Enzo, para salubungin ang New Year.

Ilang linggo naman ang nakararaan, nag-post si Angel sa Instagram ng litrato na kasama nila Luis ang ama ni Angel na si Angel Colmenares, ina ni Luis na si Vilma Santos-Recto, kapatid na si Ryan Christian at stepfather na si Sen. Ralph Recto. May caption pa itong “family meets family”.

Sa ngayon, nananatiling tahimik sina Angel at Luis tungkol sa isyu.

By Parazzi Boy