AMINADO ANG inyong lingkod na iniiwasan ng programang WANTED SA RADYO ang mga usapin tungkol sa pera o sa pangongolekta ng utang. Pero kung ang reklamo ay mga nangutang na may mataas na posisyon – gaya ng pulis, miyembro ng media, gobyerno o isang pulitiko – at nagawa niyang gamitin ang kanyang posisyon para takutin o abusuhin ang kabaitan ng pinagkakautangan, aba’y ibang usapan na ito.
Ayon kay Benvenida Emily De Leon, nangutang itong si SPO3 Abelardo Salaysay noong taong 2008 ng P126,000 para raw sa pagpapagawa ng kanyang bahay at nangakong babayaran kaagad pagkakuha ni SPO3 Salaysay ng kanyang loan sa Pag-IBIG. Nakita naman ni De Leon ang pagsasagawa ng bahay kaya isinantabi muna niya ang paniningil dahil panatag na rin ang kanyang loob na babayaran siya ni SPO3 Salaysay dahil matagal na niya itong kakilala.
Pero sa pagdaan ng panahon ay kasabay rin ang tila paglimot ni SPO3 Salaysay sa kanyang utang. Nakausap na ni De Leon ang dating hepe ni SPO3 Salaysay na si Col. Divina at Capt. Surete at nangakong magbabayad pero hanggang ngayon nga ay butata pa rin. Ang gusto lamang ni De Leon ay ang makuha ang inutang na pera sa kanila dahil sa ngayon ay walang-wala talaga ang kanyang pamilya. Kahit hulugan ay tatanggapin ni De Leon para lamang makaluwag-luwag sa buhay.
Kinausap namin itong nangutang na miyembro ng Anti-Organized Crime Division o AOCD na si SPO3 Salaysay at sinabi naman niya na pupuntahan niya kaagad sa bahay si De Leon at babayaran. Hindi raw niya ito tatakasan dahil aminado siya na malaki ang naitulong ni De Leon sa pagpapagawa ng kanyang bahay.
Sa puntong iyon, para ako ay makasigurado na babayaran ni SPO3 Salaysay ang kanyang utang, kinausap na rin namin ang kanyang hepe na si AOCD Chief Col. Flabiano Baltazar at iminungkahi namin na salary deduction na lang ang mangyayari kung patuloy pa ring babalewalain ni SPO3 ang kanyang utang.
ISANG HERMINIO Romano ang lumapit sa WSR para isumbong ang pagho-hold ng Quirino Memorial Medical Center sa kaiyang lisensya dahil hindi nila nabayaran nang buo ang ospital.
Dinala niya ang kanyang tatlong buwang anak sa nasabing ospital at kanila namang nabayaran ang P7,000 na bill. Pero nagbigay muli ng isa pang bill ang ospital na nagkakahalagang P4,278. Sa puntong iyon ay P1,500 na lamang ang naibigay ni Romano sa ospital dahil iyon na lamang ang natitira nilang pera. Dahil dito, pilit siyang hiningian ng ID at sinabing kunin na lang makaraan ang ilang araw. Dahil sa abalang ito ay ilang araw nahinto sa pamamasada si Romano.
Nang aking makausap ang Head of Medical Social Service ng Quirino Memorial Medical Center na si Rose Pineda, agad niyang sinabi na kanyang ibibigay ang nasabing lisensya ni Romano. Puntahan lamang siya sa kanyang tanggapan at agad na iaabot ang lisensya.
ANG INYONG lingkod ay mapakikinggan sa programang WANTED SA RADYO sa 92.3FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 p.m. Ito ay kasabay na mapanonood sa AksyonTV Channel 41. Sa mga nais magsumbong o magreklamo, magsadya lamang sa WSR Action Center na matatagpuan sa 163E Mother Ignacia St., Brgy. South Triangle, Quezon City. O hindi kaya’y mag-text sa aming text hotline sa 0949-4616064.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa T3 Reload, Lunes hanggang Biyernes, 5:30–6:00 p.m. sa TV5.
Shooting Range
Raffy Tulfo