Ang Papel Ng BBL Sa APEC

ADVERTISING

Ang Papel Ng BBL Sa APEC

ANG BANGSAMORO Basic Law (BBL) ay mayroong mahalagang papel sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC). Ito ang isang anggulong hindi masyadong nakikita ng mga mambabatas dahil nakatutok ang marami sa kanila sa isyung pulitikal at kapangyarihang malilikha ng BBL sa oras na ito ay maging isang ganap na batas. Malaki ang potensyal ng ekonomiyang malilikha sa Mindanao, lalo na sa bahaging muslim Mindanao dahil ang ASEAN ay isang Muslim market.

ADVERTISING

Ang nalalabing oras ay malaking balakid at hamon ngayon para sa Kongreso upang maipasa ang BBL bilang batas. Kaya naman ang administrasyon ni PNoy ay ginagawa na rin ang lahat para maihabol ang pagsasabatas ng BBL bago pa man bumaba si Pangulong Aquino sa puwesto. Paano pa ba ito mapabibilis? Ano pa ba ang kailangan para maipasa na ang batas sa mababang kapulungan ng Kongreso?

Ang potensyal na magandang ekonomiyang magmumula sa Mindanao ang maaaring susi para tuluyan nang makaahon ang Pilipinas sa pagiging isang 3rd world country. Habang ang mga bansang malubhang naapektuhan ng World War II ay nagsiahon na sa kahirapan, ang Pilipinas ay sadlak pa rin sa hirap. Ang bansang China na nakaranas ng napakahabang pagmamalupit ng bansang Hapon ay malayo na ang narating hindi lang bilang isang maunlad na bansa, kundi pangalawa sa pinakamalaking ekonomiya sa mundo.

 

ADVERTISING

NOONG SEPTEMBER 3 ay nagdaos ang China ng isang selebrasypon para ipagdiwang ang ika-70 taong anibersaryo ng V-Day sa China mula sa mapait na karanasan nila sa ilalim ng agresyon ng bansang Hapon noong World War II. Ang mga lider ng iba’t ibang bansa na nakasama nila sa World War II ay dumalo sa pagdiriwang. Dito ay ipinakita ng China kung gaano na kalakas at kamoderno ang kanilang hukbong sandatahan.

Malayo na ang narating ng China at hindi na nga maikukumpara ito sa estado ng Pilipinas ngayon. Ang modernong gamit ng Chinese military ang pangunahing dahilan kung bakit walang magawa ang Pilipinas sa pambu-bully nila sa atin sa usapin ng teritoryo sa South China Sea o tinatawag ding West Philippine Sea. Ang bilang ng kanilang mga sundalo ay napakalaki. Ang lahat ng ito ay bunga ng pagkakaroon nila ng magandang ekonomiya.

Kung mas mapalalaki natin ang ating ekonomiya ay tiyak na makapaglalaan din ang ating pamahalaan ng mas malaking pondo para sa hukbong sandatahan ng bansa. Maaari na ring makabili ang Arm Forces of the Philippines (AFP) ng mga modernong gamit para matapatan ang China. Hindi biro ang perang gugugulin para makabili ng maraming modernong barkong pangdigma. Kailangan din ang malaking pondo upang makapaghikayat ng karagdagang mga sundalo na magtatanggol sa ating bayan.

 

ANG PUNTO rito ay dapat nating tingnan ang BBL bilang oportunidad para sa buong bansa na magkaroon ng mas malaki at malawak na ekonomiya. Ito ang susi sa maraming problema ng bansa at isa na nga rito ang pagpapaunlad ng ating hukbong sandatahan. 

Malaki ang potensyal ng ekonomiyang magmumula sa Muslim region dahil ang ASEAN ay isang Muslim market at hindi pa natin nabibigyang tutok ito sa kasaysayan ng Pilipinas.

Maaaring nandito sa pagkakapasa ng BBL ang susi upang umangat ang ekonomiya ng buong bansa. Isipin natin na ang pag-unlad ng Muslim Region ay pag-unlad din ng buong bansa. 

Napakalawak ng ASEAN market at mas magiging maganda ang partisipasyon natin dito kung pangungunahan ito ng mga kapatid nating Muslim. Sa napakahabang panahon ay nasayang natin ang potensyal na magandang ekonomiya ng Mindanao dahil sa walang tigil na labanan ng mga grupong rebeldeng Muslim at tropang militar ng pamahalaan.

Ito ay isang bagong pagtingin sa BBL. Malaki ang papel ng BBL sa ASEAN economy. Hindi lang sana tumutok ang mga mababatas sa isyung pulitikal nito. Bagkus ay pag-aralan din sana ang ekonomikal na aspeto na dulot ng BBL.

 

NANGANGAMBA SI House Speaker Sonny Belmonte dahil nauubos na ang kanilang panahon sa Mababang Kapulungan. Mukhang mahihirapan ang mga kongresista na maipasa ito sa lalong madaling panahon, dahil sa susunod na buwan ay magiging abala na sila sa pag-aaral ng 2016 budget na aabot sa 3 trilyong piso base sa panukalang budget na isinumite ng administrasyong Aquino.

Alalahanin natin na dadaan pa ito sa Senado at kung magkakasundo sa iisang bersyon ay saka pa lang ito sisimulang talakayin sa bicameral legislation. Hindi rin naman paborable ang ilang mga senador dito gaya ni Senator Bongbong Marcos na nagbabantang mahihirapang lumusot ang panukalang batas sa Senado. Si Senator Miriam Defensor-Santiago ay una nang nagpahayag ng kanyang posiyon na hindi pumapabor sa BBL. Para kay Santiago, hindi sang-ayon sa batas ang porma at nilalaman ng BBL. Itinuturing ito na unconstitutional ng senadora.

Numbers game nga raw ang pagsagawa ng batas dahil sa huli ay magbobotohan din naman ang mga kongresista at senador. Kung mas marami ang bilang ng mga mambabatas na kaalyado ng administrasyong Aquino ay malamang na maihabol pa ito. Ngunit dapat sanang tandaan ng mga mambabatas na sa likod ng kahit na anong isyu ay dapat katuwiran ang umiral sa kanila at hindi sistemang kampihan sa pulitika. Malaki ang nakapusta sa usaping BBL sa aspetong pang-ekonomiya. Dapat ay maging matalino sila.

 

Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. 

Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn. 

Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm. 

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.  

Shooting Range
Raffy Tulfo

ADVERTISING