“Anak Ng Macho Dancer’ ni Sean de Guzman pinagpiyestahan ng mga pinirata, producer nagpasaklolo sa OMB!

Leo Bukas

BIG HIT ang world premiere ng pelikulang Anak Ng Macho Dancer na pinagbibidahan ni Sean de Guzman na napanood sa Ktx.Ph noong January 30. Ang medyo alarming nga lang after itong ipalabas online ay napirata agad ang pelikula.

Nagsulputan ang iba’t  ibang links sa social media kung saan mapapanood nang buo ang Anak Ng Macho Dancer. May ilan naman na meron ng DVD copies. Kinarir talaga ng mga hinayupak na namimirata ang pagkopya sa pelikulang prinodyus ng Godfather Productions at idinirek ni Joel Lamangan.

“Anak Ng Macho Dancer’ ni Sean de Guzman pinagpiyestahan ng mga pinirata, producer nagpasaklolo sa OMB!
Sean de Guzman

Ikinalungkot ni Sean ang nangyari. May shout out pa siya sa social media na “No to piracy” and “Piracy is a crime.” Dumulog din sa tanggapan ng Optical Media Board (OMB) si Joed Serrano, producer ng pelikula kung paano mahuhuli ang mga pirata.

“Kawawa yung producer namin dahil sa film piracy na yan. Ninanakaw nila yung pelikulang pinaghirapan namin. Sana po huwag ninyo itong tangkilikin kasi hindi legit ang sources ng film,” reaksyon ni Sean.

P690 ang bayad sa unang streaming ng ANMD noong January 30. Pero dahil sa matinding demand na mapanood ulit ang pelikula, may streaming ulit ito sa Feb. 5 hanggang Feb. 7, 9 p.m. to 12 midnight. Mas mababa na rin ang bayad sa Ktx.Ph dahil P169 na lang ito ngayon.

Ang Anak Ng Macho Dancer ang may hawak ngayon ng record na “biggest movie premiere in Ktx history”. Patunay lang kung gaano talaga  inabangan at pinanabikan ng mga beki ang pelikula.

“Anak Ng Macho Dancer’ ni Sean de Guzman pinagpiyestahan ng mga pinirata, producer nagpasaklolo sa OMB!
Anak ng Macho Dancer poster

Sa pag-uusap namin ni Sean after niyang mapanood ang sariling pelikula ay inamin niyang hindi raw niya maipaliwanag ang nararamdaman habang nakikita sa screen ang mga eksenang kahilangan niyang maghubo’t hubad.

“Parang nakaka-awkward talaga yung feeling kasi sabay-sabay tayong nanonood tapos nakita n’yo na totally naked ako. Siyempre, hindi naman sila sanay na nakikita akong ganun kaya medyo nakakailang. Ang maganda lang, hindi bastos yung pelikula. Hindi mo mapapansin na naghubad ako kasi mas tututuok ka sa istorya,” paliwanag pa niya.

Kasama rin ni Sean sa ANMD sina Ricky Gumera, Charles Nathan, Jaclyn Jose, Jay Manalo, Emilio Garcia, Rosanna Roces at Alan Paule.