Amalia Fuentes, usap-usapan ang pagwawala sa cremation ni Liezl Martinez

Amalia Fuentes, usap-usapan ang pagwawala sa cremation ni Liezl Martinez

Amalia-FuentesPINAG-UUUSAPAN NU’NG kamakalawa lang ang pagwawala raw ni Amalia Fuentes sa cremation ng anak niyang si Liezl Martinez.

Ang pagkakaalam ko, hindi na nga yata naabutan ni Amalia ang labi ng kanyang nag-iisang anak bago ito i-cremate.

Hindi raw kasi niya alam ang schedule. Sa Heritage daw siya unang pumunta dahil ang buong akala niya, roon ang cremation dahil doon naman ibinurol.

Huli na lang niya nalamang nasa Arlingtong sa Araneta Avenue pala ang cremation.

Dagdag pa sa sama ng loob niya, hindi man lang daw sila ni Romeo Vasquez binanggit ng host sa eulogy nito.

Kaya hindi pa natapos ang programa, lumabas ito at nagpa-interview siya sa media. Masamang-masama ang loob niya na hindi man lang sila nabigyang respeto ni Romeo bilang magulang nga naman ni Liezl.

Siyempre, ina rin ako kaya nasasaktan din ako sa nangyari kay Amalia.

Sa totoo lang, sa kanya ang simpatiya ng karamihan, dahil kahit ano pa ang sabihin nila kay Amalia, ina pa rin siya. Siya ang nawalan ng nag-iisang anak.

Sabi nga niya, si Liezl ay irreplaceable. Hanggang sa huling sandali ay siya ang ina at anak niya ang namayapa.

Sina Albert Martinez daw ay puwede pang mag-asawa muli. Ang mga anak daw nina Liezl ay puwede pang magkapamilya at makapag-move on. Siya ang nawalan, at nag-iisa niya itong anak. Kaya ang simpatiya ko kay Amalia.

As of presstime, hindi pa muna nagbigay ng ano mang pahayag sina Albert. Pero magbibigay raw sila ng statement kaugnay sa gulong ito.

Nakikiramay po kami sa pamilyang naiwan ni Liezl, lalo na siyempre kina Amalia at Romeo.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis