Alonzo Muhlach, ilo-launch bilang bagong child wonder

Alonzo Muhlach, ilo-launch bilang bagong child wonder

Alonzo-MuhlachHINDI NAGING mahirap para kay Niño Muhlach mabigyan agad ng break sa pelikula ang anak nitong si Alonzo Muhlach. Tunay naman bibong-bibo sa harap at likod ng kamera. Mapapaarte mo ito agad-agad sa harapan ng maraming tao at madaldal kausap, Listo kung sumagot, nakaaaliw talaga. Nakaharap at nakausap na namin si Alonzo nang minsan naming ma-interview ang amang si Niño. Buong pagmamalaking ipinakilala niya sa amin ang bagong ‘Niño Muhlach’ na si Alonzo.

Carbon copy ni Niño ang anak na si Alonzo, nakatutuwang pagmasdan ang mag-ama kapag nag-uusap. Walang kiber ang ama kung tawagin man siyang stage father o alalay ng anak. Ang importante masaya si Niño kasama si Alonzo. Katuwiran niya, “Anak ko naman ang inaalagaan ko, hindi ibang tao. Iba ‘yung feeling kapag kasama mo at pinagmamalaki ang anak mo. Lalo na kapag maraming natutuwa kay Alonzo, hindi mo ma-express ‘yung feeling na nararamdaman mo.”

Nang mapanood ng publiko si Alonzo sa pelikula ni Vic Sotto with Ryzza Mae Dizon sa nakaraang MMFF 2014, umagaw agad ng atensyon ang child wonder sa manonood. Marami ang natuwa sa bata dahil marunong umarte at napaka-natural sa mga eksena nila ni Vic at Ryzza Mae. Nakarating kay Boss Vic del Rosario ang magandang feedback. Naintriga ito kaya’t nag-set ng meeting ang big boss ng Viva Films para makausap si Niño.

Naging maganda ang pag-uusap nina Boss Vic at Niño tungkol sa career ni Alonzo. Exclusive ang contract, ang Viva Films na ang magpo-produce ng mga pelikula ng bagong child wonder, co-producer ang El Niño Films na movie outfit ni Niño sa lahat ng pelikulang gagawin ng anak. Sa pag-uusap ng dalawa, they both agreed na i-remake ang mga box-office hit na pelikula ni Niño noong 70’s. Lahat ng mga sikat na artista ay nakasama ng dating child wonder tulad nina Fernando Poe, Jr., Jun Aristorenas, Lito Lapid, Chiquito, Amalia Fuentes, Vilma Santos, at iba pang sikat na artista. Naidirek din siya ng batikang director na si Lino Brocka sa Tahan na Empoy at Ang Tatay Kong Nanay with great comedian Dolphy.

Inihahanda na ang launching movie ni Alonzo under Viva at El Niño sa direksyon ni Niño. Pinag-iisipan pa nila kung alin sa mga pelikula ng dating child wonder ang ire-remake nila. Kahit wala pang solo movie si Alonzo, maraming advertisers ang interesadong kunin ang bata for their product endorsements.

AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield