Aljur Abrenica, Nagkasala!

Aljur Abrenica, Nagkasala! Hindi ganu’n kadali ang pinagdadaanan ng bagong Machete na si Aljur Abrenica nang dalawin namin siya sa set ng Machete. On-going ang isang intimate scene nila ni Bela Padilla sa isang falls sa Tanay, Rizal. Ginaw na ginaw ang dalawa dahil sobrang babad sa malamig na tubig, pero hindi nagrereklamo si Aljur. Professional daw ang guwapong binata ayon sa mga staff.

Pagkatapos ng scene, nakausap namin si Aljur habang kumakain. Nabanggit niya na tuluy-tuloy pa rin ang kanyang Machete diet, pero nu’ng pansinin namin na kumakain na siya ng rice: “Nagkasala ako ngayong araw. Patuloy pa rin ang Machete diet ko, pero dahil sa napakabigat na eksena at napakalamig, at nasa baba ang aking pagkain, at matagal pa ang susunod na eksena, kumain na ako ng kanin,” sabay tawa ni Aljur.

Naintindihan namin siya, dahil hindi naman p’wedeng hindi na siya kumain ng ibang pagkain. Araw-araw na lang kasi, kamote at mga pagkaing walang lasa ang kinakain niya para magpalaki ng katawan.

Naitanong din namin ang tungkol sa pagkakaroon ni Aljur ng intimate na relasyon sa isang older actress. Sabi ni Aljur, “Oo, love naman po. Wala pa po kasi akong nagugustuhan o natitipuhan na mas bata sa akin, lahat ng nakarelasyon ko, mas matanda po sa ‘kin.”

Walang binanggit na pangalan si Aljur kung sino ang actress. Tinanong namin kung ano ba ang standard niya sa isang babae. Na kay Bela raw ang mga katangian na gusto niya sa leading lady niya. Sa ngayon, unti-unti raw nilang nakikilala ang bawat isa, mabait daw si Bela.

Parazzismiz
By Maica Tidila