Alden Richards, prinoproblema ng GMA Films

Alden Richards, prinoproblema ng GMA Films

Alden-RichardsGUSTO SANA ng GMA Films na gawan uli ng pelikula si Alden Richards. ‘Di ba ang naturang production outfit ang gumawa ng movie ni Alden na The Road at iba pang teen movies?

Pero alam din ng production outfit na mahihirapan silang kumuha ng magiging leading lady para kay Alden lalo na at may Yaya Dub (Maine Mendoza) na siyang ka-loveteam. Baka ma-bash daw kung hindi si Yaya Dub ang kapartner nito. Naging halimbawa nga ang nangyari kay Kris Bernal na nakasama ni Alden sa out of town show. Tapos naglabas ng picture si Kris na magkasama sila na hindi umano nagustuhan ng AlDub fans kaya nakatikim ito ng pamba-bash.

Pagkatapos ng My Bebe Love na introducing film nina Alden at Yaya Dub bilang loveteam, sisimulan ang launching movie nila under APT Entertainment na ididirek ni Mike Tuviera.

Puwede pa ring matuloy ang pagpo-produce ng movie ng GMA Films kay Alden kung makikipag-co-produce na lang sila sa APT Entertainment. ‘Yan ay kung papayag naman ang APT Entertainment na pag-aari ni Mr. Antonio Tuviera na siya ring producer ng Eat Bulaga at siya ring manager ni Yaya Dub (Maine Mendoza).

Anyway, masasabi namin na tinalbugan ng AlDub loveteam ang lahat ng box-office hit na show sa bansa sa nalalapit na pagsasama nina Alden at Maine sa Philippine Arena kahit na hindi pa ito nagaganap ay sigurado kaming mapupuno ang venue na wala pang nakagagawa. Namomroblema nga ang AlDub fans dahil may 200k ang member nila, samantalang 50k lamang ang capacity ng Philippine Arena.

Maganda pa sa nalalapit na show ng AlDub loveteam na kahit may bayad ay may magandang kalalagyan naman ang lahat ng kikitain ng show. Mantakin mo na nakapagbigay na sila ng kasiyahan sa sangkatutak na tagahanga ay makakatulong pa sila sa mga kabataan sa pamamagitan ng pagtatayo ng AlDub Library sa mga pampublikong lugar at paaralan.

Ang kikitain kasi ay ipagpapagawa nila ng library at pambibili ng mga libro na kailangan ngayon ng mga kabataang nag-aaral. Lalo na ngayon na wala na yatang matinong library na mapupuntahan ang mga mag-aaral para makapag-aral.

Saludo po kami sa naisip na idea ng mga taong nasa likod ng AlDub.

Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo