Alden Richards, kailangang panghawakan at patunayan ang kasikatan sa paggawa ng pelikula

Alden Richards, kailangang panghawakan at patunayan ang kasikatan sa paggawa ng pelikula

Alden-RichardsDAGDAG NA panibagong pagsikat para kay Alden Richards ang biglang pag-init ngayon ng kanyang pangalan dahil sa AlDub loveteam na pang-akit ngayon ng programang Eat… Bulaga! sa mga manonood. Patok na patok ang kalyeseryeng pinagbibidahan nila. Good karma ang guwapong aktor, dahil napakabait naman niya sa personal. Siya ‘yung maipagmamalaki talaga ng GMA 7 pagkatapos ni Dingdong Dantes, na walang angas, walang yabang sa katawan, at matiyagang magpasensiya sa kakulitan ng mga fans.

Nitong mga huling buwan kasi, nameligro na rin ang kasikatan ni Alden sa Siyete, dahil pagkatapos ng teleserye nila ni Marian Rivera na Carmela, matagal ding hindi nabigyan ng project ang young actor na markado talagang siya ang ibinebenta. Oo naman, hindi maitatanggi na isa siya sa pinakasikat na artista ng GMA, pero natengga rin talaga siya nang ilang buwan. Kaya naudlot din talaga ang diretso niyang pagsikat para maging John Lloyd Cruz ng Kapuso Network.

Nakatutuwa lang, na dahil sa naging kasikatan ngayon ni Alden sa EB, marami na naman daw planong proyekto para sa actor. Kailangan niya talagang mapatatag ang kanyang kasikatan, dahil magaling siyang actor. Ngayon lang naman mainit ang tambalang AlDub, dahil cute ang kuwento ng serye at may kilig sa masa. Pero libre kasing napanonood iyan. Tumunganga ka lang sa harap ng telebisyon sa oras ng EB, mapanonood mo na si Alden. Kailangan niya rin ng mga pelikulang pagbibidahan na maghahatid sa kanya sa kasikatan para matawag na box-office star.

ChorBA!
by Melchor Bautista