Alden Richards, hindi nagbalik ng pera sa naluging concert producer

ADVERTISING

Alden Richards, hindi nagbalik ng pera sa naluging concert producer

Alden Richards
Alden Richards

Masasabing isa nga si Alden Richards sa mga tinitingala at sikat na kabataang aktor ngayon. Pruweba ay ang mainit na pagtanggap ng mga tao sa kanilang love team ni Maine Mendoza, sandamakmak na product endorsements, nagre-rate na TV shows, platinum albums, at box-office hit movies.
Walang duda na ang Pambansang Bae ng Pilipinas ay hot property ngang maituturing ngayon. Pero sa kabila ng kaniyang kasikatan ay hindi talaga maiiwasan ang mga intriga na ipinupukol sa guwapo at mabait na aktor. Gaya na lamang ng pang-iiwan daw niya sa ere kay Maine Mendoza. Hindi raw kasi nagustuhan ni Maine ang ginawang pagpunta sa birthday party at pakikimabutihang-palad sa itinuturing naming isa sa mga nanay-nanayan namin sa showbiz na si Cristy Fermin.
Hindi naman siguro lingid sa kaalaman ng karamihan na may pader na hadlang sa pagitan ngayon nina Maine at Nanay Cristy. Hindi man araw-araw ay madalas daw pitikin sa kanyang panulat at programa sa radyo itong dalaga ng batikang entertainment writer.
Wala kami sa posisyon na magsabi kung sino ang tama o mali sa dalawang personalidad. Maaaring may pareho silang dahilan o katuwiran sa sigalot mang maituturing na ito, pero hangad namin na maiayos nila ito. Kilala namin si Nanay Cristy sa pagkakaroon ng pusong mamon at naniniwala kami na isang yakap lang ni Maine ay mawawala na ang kung anumang sentimyento o sama ng loob na mayroon siya ngayon sa dalaga.
Baka nga ang ginawa ni Alden Richards na pakikipaglapit niya kay Nanay Cristy ay maging dahilan ito at maging tulay siya para mapalapit si Maine sa beteranong manunulat. For sure, ito na ang simula at masasabing hakbang na ginawa ng binata para sa ikaaayos ng lahat.
Kay Alden pa rin, how true na hindi pa raw niya ibinabalik ang down payment ng isang producer sa hindi niya natuloy na concert sa Philippine Arena? Para sa kaalaman ng lahat, dapat sanay ay magko-concert ang binata sa naturang lugar noong Pebrero ng kasalukuyang taon, pero hindi ito natuloy dahil wala raw bumibili ng tiket.
Napagkasunduan na lang daw na i-move ang date para sa mahaba-habang preparasyon, pero dahil sa masyadong busy si Alden ay hindi na ito nahanapan pa ng date. Dahil sa pangyayaring ito, tinanggap na lang ng producer ang pagkalugi niya na nakapagbigay na ng 50 percent down payment sa venue, guest artists, staff, equipment kasama ang ibinigay kay Alden. As in malaking halaga na ang kanyang napakawalan.
In fairness naman sa kampo ni Alden, nakikipag-usap naman daw sila sa producer at ibabalik na lang daw ang paunang bayad sa Pambansang Bae. Nakausap ko rin ang handler niya na si Daryll at sinabing ibabalik na nga lang daw ang pera.
At kung sakali man na hanggang ngayon ay hindi pa naibabalik ay sigurado namang hindi ito tatalikuran ng binata. Maaaring hindi lang niya maasikaso dahil sa dami ng kanyang ginagawa. Knowing Alden na gusto niya ay nasa ayos ang lahat at ayaw niya ng mga negatibong bagay sa kanyang buhay at karera sa showbiz.

Rodel Fernando
by Rod’s Nest

ADVERTISING