Aktor, gigil na gigil kay Baron Geisler – Cristy Fermin

Aktor, gigil na gigil kay Baron Geisler - Cristy Fermin

Aktor, gigil na gigil kay Baron Geisler - Cristy FerminPLANTSADO NA ANG pagsososyo nina Willie Revillame at Senador Manny Villar sa building na nasimulan nang ipatayo ng aktor-TV host ilang buwan na ang nakararaan.

Magkasunod silang nagpirmahan ng MOU (Memorandum of Understanding) at MOA (Memorandum of Agreement) nu’ng isang araw, kasado na ang lahat-lahat, ayaw nang ipabanggit pa ni Willie ang mga detalye pero maganda ang naging resulta ng kanilang pag-uusap.

Nabili ni Willie ang nasabing lote nu’ng nakaraang taon, 3,000 square meters ang kabuuang sukat nito, napakaganda ng lugar dahil accessible ‘yun kahit saan.

“Sabi nga ni Senator Villar, bibihira ang mga ganu’ng klase ng lote, pinag-aagawan daw ang ganu’n, kaya masuwerte pala ako dahil napunta sa akin ang lote na nasa may audience entrance lang ng ABS-CBN.

“Maganda ang pag-uusap namin, saludo talaga ako sa kanya pagdating sa business, lalo na nu’ng nalaman ko ang buong kuwento kung saan siya nanggaling at kung paano siya nagsimula.

“Inspired ako kapag nakakausap ko si Senator Villar, hindi lang naman kasi hosting ang inaasikaso ko ngayon, pati ang future ng mga anak ko, inaasikaso ko na,” pahayag ni Willie.

Tapos na ang kanyang kapritso sa sasakyan, negosyo na ang palaging nasa utak niya ngayon, ano pa nga ba naman ang kailangan siyang magkaroon samantalang natikman niya na ang lahat.

Mauunawaan naman ang dahilan kung bakit, nanggaling sa wala si Willie, pareho lang sila ni Manny Villar na ang tanging sasakyan nu’ng araw ay ang kanilang tsinelas.

“Pero habang tumatagal, makalilimutan mo na rin ang kapritso, negosyo na ang tututukan mo. Ngayon pa lang, napakarami nang nagpapareserba ng space sa Wil Tower Mall, may naka-assign na ako sa parteng ‘yun, bahala na silang mag-screen ng mga applicants.

“Hindi ko naman kasi ‘yun maaasikaso palagi, busy ako sa show, doble-kayod ako ngayon dahil malaki ang kailangang gastusin sa twin tower na ipagagawa namin.

“Parang panaginip lang talaga, pero sa totoo lang, hindi ko naman pinulot lang sa kung saan ang budget sa pagpapagawa ng building, kapag naiisip ko nga ang aabutin nu’n, nalulula rin ako, pero nandu’n ang saya dahil alam mong may pinupuntahan ang mga pinaghihirapan mo,” kuwento pa rin ni Willie Revillame.

ISANG AKTOR ANG nagkomento na huwag na huwag siyang hahamunin ng away ni Baron Geisler at siguradong makikita ng aktor ang ayaw nitong makita sa buhay na ito.

Matagal nang gigil na gigil kay Baron ang sikat na aktor, kahit daw sabihan pa siyang mapagpatol sa mga hindi dapat patulan ay wala na siyang pakialam, dahil napakarami na niyang nababalitaang winawalanghiya ng tomador na aktor.

Sabi pa ng sikat na aktor, “Kundi siya kayang pigilan ng mga mismong kapamilya niya, siguro, kailangang sa labas ng bahay nila manggaling ang disiplina para sa kanya.

“Huwag na huwag niya akong hahamunin dahil papatulan ko siya. Sabihin na nila ang kahit ano, pero kapag ako ang hinamon ni Baron, magtutuos kami. Sobra na kasi siya, e.

“Wala na siyang nirerespeto. Babae at lalaki, bata at matanda, parang wala na siyang respeto. Inaabangan ko ang pagkakataong hamunin niya ako, I”ve been waiting for his invitation,” nanggigigil pang pahayag ng sikat na aktor.

Kilalang-kilala niya ang pagkatao ni Baron Geisler, walang maitatago sa kanya ang barumbadong aktor, dahil minsan sa kanilang buhay ay naging magkaibigan din sila.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin