AJ Raval ‘di nakayanan ang panghuhusga, naiyak sa presscon

Leo Bukas
HINDI napigilan ni  AJ Raval ang mapaiyak sa virtual presscon ng latest film niyang  Crush Kong Curly nitong Miyerkules ng hapon, November 17, nang maalala ang kanyang pinagdaanan sa tanong ng isang vlogger kung naranasan na rin ba niyang mahusgahan before. Obviously, ang hugot dito ni AJ ay ang pagkakadawit ng pangalan niya sa isyu ng hiwalayan nina Aljur Abrenica at  Kylie Padilla.
AJ Raval 'di nakayanan ang panghuhusga, naiyak sa presscon
AJ RAVAL

Kaswal na pahayag ng dalaga,  “Ako po, alam naman siguro ng karamihan dito. Nagsabi ako ng totoo, na-judge ako. Nag-try akong mag-explain, wala pa ring nakaintindi.”

Pero nagsimula nang maging emosyonal si AJ kaya hindi na niya nasundan pa ang naging pahayag. Kinomfort naman siya ni Wilbert Ross, ang leading man niya sa nasabing sexy-romantic movie na Crush Kong Curly na katabi niya during the virtual presscon.

Matipid na dagdag ni AJ, “Ayoko na munang magsalita. Nagwo-worry na naman ako na mag-explain ako tapos ma-misinterpret naman ako ng ibang tao. So, next question po. Thank you.”

Matatandaang binatikos nang husto ng netizens si AJ simula nung ma-link ito kay Aljur. Pinagbintangan din siyang homewrecker at third party kahit pa nasa getting to know at ligawan stage pa lang naman sila ni Aljur.

Lalong pinag-initan si AJ nang irepost nito ang Facebook post ni Aljur na “Breaking Silence” na humahamon kay Kylie na amin kung sino ang unang nagtaksil sa kanilang dalawa. Binura rin naman agad ito ni AJ at humingi ng paumanhin kay Kylie dahil sa kanyang ginawa.

“I’m really sorry sa lahat ng naapektuhan. And also kay Kylie, I’m really sorry kung shinare ko yung statement na yun. It’s not my intention to hurt anybody. I was just trying to protect myself. Kaya lang, mali yung way ko.

“Pero na-realize ko rin na baka tama kayo. I’m too immature and I need to grow. I’m really sorry sa lahat ng naapektuhan, sa lahat ng nagalit. Sana mapatawad niyo ako,” video message ni AJ sa  TikTok noong October 20.

Anyway, kapansin-pansin na sa simula pa lang ng virtual conference ay halatang medyo umiiwas si AJ sa tanong sa kanya about the status of her lovelife.

“Ayoko munang pag-usapan po. Ayoko na pong magbitaw ng kahit anong salita tungkol sa love life or anything,”  sabi ni AJ sa isang press na nagtanong kung kumusta na ang kanyang love life.

Sinagot naman ng dalaga ang tanong kung nagkaroon na ba siya ng boyfriend na tinututulan ng kanyang pamilya.

“Na-experience ko na before, pero hindi po ako yung hindi tinatanggap. Ang na-experience ko po, yung family ko hindi tinatanggap yung guy.

“Yung tatay ko po kasi, laging nakabantay sa akin before. Kinakausap po niya, eh. Yung tatay ko naman po kasi luko-luko rin, so nagwo-worry din po yung guy. Parang siya na yung mismong lumalayo. Hindi ko rin naman po ipinaglaban,” kuwento ni AJ.

Ipapalabas ang Ang Crush Kong Curly sa Vivamax simula December 17.