Aiza Seguerra at Liza Diño, sa Batangas gagawin ang kasal sa ‘Pinas

Aiza Seguerra at Liza Diño, sa Batangas gagawin ang kasal sa ‘Pinas

Aiza-Seguerra-Liza-DinoCONGRATULATIONS PALA kina Aiza Seguerra at Liza Diño na nagpakasal sa San Francisco, California nu’ng nakaraang Lunes, December 8.

Kumalat agad dito ang mga wedding photos nila na ipinost naman nila sa kanilang Instagram account.

Kung basahin mo ang mga ipinu-post nila, ramdam mo talagang mahal na mahal nila ang isa’t isa.

Nakakatuwa nga dahil binatang-binata talaga du’n si Aiza at ang ganda naman ni Liza.

Ang nakakatuwa pa, tanggap na tanggap ng 6-year old daughter ni Liza ang relasyon nila. Parang tatay na nga ang turing ng bagets kay Aiza na Baba ang tawag niya.

Pero sabi naman ni Aiza, nandiyan lang siya para mag-guide at magmahal din sa anak ni Liza. Hindi raw niya inaako ang responsibilidad bilang ama, dahil nandiyan naman ang ama nito na dating asawa ni Liza at hindi naman daw nagkukulang.

Alam ko magkakaibigan sila nu’ng dating asawa ni Liza. Dumalo pa nga raw ito sa kanilang kasal dahil naka-base ‘yun sa Amerika.

Pagkatapos ng kasal nila sa Amerika, babalik sila rito sa Pilipinas para magkaroon naman sila ng seremonya rito.

Ang dinig ko sa Batangas nila gagawin na dadaluhan ng buong pamilya at malalapit nilang kaibigan.

Siyempre, wala namang same sex marriage dito kaya may seremonya lang sila para makapag-celebrate naman sila sa mga close friends nila rito.

Talagang hindi rin nagpapahuli sina Aiza at Liza sa mga showbiz celebrities na nagpapapakasal ngayong buwan.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis