Ai-Ai delas Alas, pinuputakti ng bashers dahil sa kanseladong Valentine show

Ai-Ai delas Alas, pinuputakti ng bashers dahil sa kanseladong Valentine show

Ai-Ai-delas-AlasNAG-ANNOUNCE NA si Ai-Ai delas Alas na magkakaroon siya ng comedy concert sa May 16 na gaganapin sa SM Skydome.

Nilinaw ng Comedy Concert Queen na hindi ito ang nakansela niyang Valentine show. Dahil ‘yung Valentine show niyang Ai Heart Papa na dapat sa Solaire ay talagang kanselado raw.

Sabi raw kasi ng co-producer niyang si Jacob Fernandez ay postponed lang daw.

Gusto pa raw ni Jacob na makipag-usap sa kanya, pero ayaw na raw niya itong kausapin. Ang abogado na lang daw niya ang kausapin niya. Wala pa naman daw siyang balak na paabutin ito sa demandahan, pero kung ano raw ang payo ng abogado niya, ‘yun ang susundin niya.

Ang isa pang ikinalungkot ni Ai-Ai, pinuputakti siya ng mga bashers. Alam naman daw niya kung kanino nanggaling ‘yun. Kasi halos iisa lang daw ang ipinu-post nila na parang alam ang mga internal na kuwento.

Hindi na lang daw niya pinapansin dahil sabi nga niya, “Kung sino ang ibinababa ng tao, siya ang itinataas ng Diyos.”

Nakaka-touch nga na ang kauna-unahang nagtatanggol sa kanya ay ang anak niya mismo.

Sinasabihan na lang daw niyang huwag na itong pansinin ng mga anak niya.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis