Ai-Ai delas Alas, nakatatakot ang sobrang pagmamahal

Ai-Ai delas Alas, nakatatakot ang sobrang pagmamahal

Ai-Ai-delas-AlasNAKATUNGANGA NA lang at nakikinig sa mga kuwento ni Ai-Ai delas Alas ang kanyang mga kaibigan na higit na nakakikilala sa kanya sa tuwing ang kanyang boyfriend na si Gerald Sibayan ang kanyang ipinagmamalaki. Hindi naman kasi niya ikinukumpara ang bago niyang karelasyon sa mga unang lalaking napaugnay sa kanya. Pero kung papaano magsalita ang komedyana tungkol sa saya na kanyang nararamdaman, ganu’n pa rin naman ‘tulad sa mga dati niyang nakarelasyon.

Consistent naman kasi si Ai-Ai sa kanyang mga sinasabi noon at ngayon, na kapag siya ay nagmahal ay bigay-todo talaga siya at walang pag-aalinlangan sa lalaking kanyang karelasyon kapag pasok na talaga sa puso niya ang lalaking mahal niya. Iyon daw ang nakakatakot sa ngayon, dahil kahit sabihin ng bidang komedyana sa pelikulang Past Tense ng Star Cinema na magtitira siya ng para sa kanyang sarili, nauubos talaga siya kapag naunsiyami ang pakikipagrelasyon niya.

Sobrang nakatatakot at kaabang-abang daw kung magiging happy ending ba ang bagong kuwento ng lovelife ni Ai-Ai. Dahil sa totoo lang, maamo raw kasi talaga si Gerald na tipong masarap mahalin, dahil nga bagets. Napakarami nga raw positibong ugali ni Gerald na mahirap makalimutan ng isang babaing nakakarelasyon. Winner si Ai-AI sa dami ng kaibigan, kaya ang daming nagdarasal para sa kanya ng happy ending sa relasyon nila ni Sibayan.

Barbie-FortezaBarbie Forteza, ‘di nababakante sa pagbibida sa serye

HINDI NAMAN nakapagtataka kung bakit hindi na nababakante si Barbie Forteza sa pagbibida sa mga teleserye sa GMA-7. Kasi nga, sobra siyang tutok sa kanyang showbiz career. Kahit na bagets pa lang siya, hindi siya katulad ng ibang young stars na pakikipagligawan at pakikipagrelasyon kaagad ang inaatupag. Kaya ‘yun lang din naman ang nababalita tungkol sa kanila, pero palpak naman sila sa kanilang mga trabaho.

Dati ay may pagka-maldita ang image ni Barbie, dahil mula pa nu’ng bago siyang pasok sa showbiz, medyo prangka na rin kasi siya. Sinasabi niya ang gusto niyang sabihin. Hindi nga ba’t hindi niya itinago ang kanyang nararamdaman na crush daw niya si Dennis Trillo? Na para sa kanya ay wala lang. Gusto lang niyang sabihin, dahil iyon ang kanyang nararamdaman. Pero ang kapuri-puri kay Barbie, hindi siya nagkakaroon ng isyu tungkol sa pagiging flirt sa mga kalalakihan.

Sa ilang magkakasunod na teleseryeng nilabasan ni Barbie, lalo na sa The Half Sisters, napakagaling na talaga niyang umarte. ‘Yung tipong kapag pinapanood mo siyang umarte ay hahanga ka talaga, na parang sayang at hindi na yata siya tatangkad, pero kung nabiyayaan siya ng magandang height ay napakagaling niyang artista. Kahit si Direk Gina Alajar na ilang ulit nang naidirek si Barbie ay sumasang-ayon din na lalo pang humuhusay sa acting ang cute na Kapuso star.

ChorBA!
by Melchor Bautista