Ai-Ai delas Alas, kinakailangang pumatok sa unang project sa Siyete

Ai-Ai delas Alas, kinakailangang pumatok sa unang project sa Siyete

Ai-Ai-delas-AlasBIG STAR na ng showbiz si Ai-Ai delas Alas, at ilang ulit na siyang tinanghal na Box-Office Queen. Comedy Concert Queen din siya at sa bakuran ng ABS-CBN ay maraming ulit siyang nakapagbida sa mga teleserye at sitcom. Kaya tama lang din ang napakagandang pagtrato sa kanya ng GMA-7 bilang pagsalubong sa kanyang pagbabalik, dahil dati naman siyang Kapuso star. Malungkot lang talaga, na umalis siya sa Kapamilya Network habang may lamlam ang kanyang kasikatan.

Magaganda ang mga proyektong nakaplano ng Siyete para kay Ai-Ai. Kaya nga hinihintay na ng publiko ang muli niyang pagsabak sa telebisyon at mga pelikula ngayong nakawala na nga siya sa ABS. Kaya lang, marami ang nagdarasal na maging patok ang unang programang sasabakan ng komedyana sa binalikan niyang tahanan. Napakaganda rin kasi ng mga plano ng Kapuso Network kay Claudine Barretto noon, pero napurnada nu’ng mapatunayang mahina na pala ang panghatak ni Claudine sa mga manonood.

Masaya si Ai-Ai sa kanyang paglipat sa GMA, dahil bagong simula na naman ito ng kanyang career. Nakakontrata na rin kasi sa Siyete ang kanyang panganay na anak na si Sancho Vito, at patuloy pa ring masaya ang kanyang lovelife, kaya ganado na ang komedyana at gusto na kaagad sumabak sa mga bago niyang trabaho. Isa si Direk Wenn V. Deramas sa nagpaplanong igawa ulit ng pelikula si Ai-Ai, dahil naniniwala siyang naroon pa rin ang magic ng komedyana sa takilya.

ChorBA!
by Melchor Bautista