Ai-Ai delas Alas, inayos na ang pagpapa-rehab kay Jiro Manio

Ai-Ai delas Alas, inayos na ang pagpapa-rehab kay Jiro Manio

Ai-Ai-delas-Alas-Jiro-ManioMAGANDA ANG pagtatapat nina Ai-Ai delas Alas at ng adoptive father ni Jiro Manio na si Andrew Manio. Na-interview namin sila ni Joey de Leon sa Startalk nu’ng kamakalawa ng hapon at doon nilinaw ni Ai-Ai na gusto lang talaga niyang tumulong.

Naikuwento nga niyang sa lahat daw na naging anak niya sa Tanging Ina, itong si Jiro lang daw ang hindi malambing sa kanya. Kasi tingin nga raw niya may sariling problema raw talaga ito.

Pero halos lahat naman daw na nangangailangan ay tinutulungan niya. Bakit hindi raw ang artistang nakatrabaho niya na alam niyang nangangailangan?

Si Ai-Ai na nga ang nag-ayos nang pagpaparehab kay Jiro at nasa maayos na kalagayan na raw ito.

Ang tantiya ni Ai-Ai, mga December daw ay okay na ito at sana nga raw tuloy-tuloy na ang paggaling ng dating child actor. Pero ayaw na raw nitong mag-artista uli. Kaya kapag okay na raw si Jiro, pag-usapan nila kung ano ang gusto niyang gawin.

Kung talagang ayaw na raw niyang mag-artista, nandiyan naman daw si Marvin Agustin na nakausap niya.

Maraming restaurants si Marvin at puwede nga naman niyang pagtrabahuin sa isang restaurant niya.

Sabi ko nga, total may Japanese blood naman si Jiro, puwede siyang magluto ng Japanese dish. Ewan ko kung mag-waiter siya o kung ano man, basta nandiyan si Marvin na puwedeng tumulong sa kanya para makapagtrabaho uli.

Marami naman talaga ang gustong tumulong kay Jiro, dahil nanghihinayang sila sa galing nito sa pag-arte.

Nagulat nga ako na pati pala si Lorna Tolentino nagbigay rin ng tulong. Naging anak din naman kasi niya sa Magnifico, kaya gusto rin niyang matulungan ito. Kaya paulit-ulit na nagpasalamat si Ai-Ai sa lahat na tumulong.

Naawa lang si Ai-Ai sa foster dad ni Jiro na si Andrew, dahil nakita naman daw nila kung gaano nito kamahal ang tinuturing niyang anak.

Sana nga magkaayos na sila uli ‘pag gumaling na si Jiro.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis