Ai-Ai delas Alas, inaming si Kris Aquino ang isa sa dahilan ng pag-alis sa Dos

Ai-Ai delas Alas, inaming si Kris Aquino ang isa sa dahilan ng pag-alis sa Dos

Ai-Ai-delas-AlasPUMIRMA NA kahapon si Ai-Ai delas Alas ng exclusive contract sa GMA 7.

Bongga nga ang contract-signing niya na talagang pinag-isipan niya ng bonggang paandar. Eh, ‘di naloka ang mga vaklush!

Ang isa pang pasabog ng hitad, talagang inamin niyang si Kris Aquino ang isa sa mga dahilan kung bakit nagdesisyon na siyang umalis sa ABS-CBN 2 at lumipat ng GMA 7.

Kunwari pa-joke lang ang sagot niya, pero sa totoo lang, ‘yun naman talaga, ‘no!

Sabi naman ni Ai-Ai, nagkabati naman daw sila nu’ng kasal nina Dingdong Dantes at Marian Rivera, at okay na raw ‘yun.

Pero aminado naman ang Comedy Queen na hindi na kagaya ng dati ang kanilang pagkakaibigan. Ang turing nga niya sa presidential sister ay “former friend” na lang daw.

“Siyempre iba na ngayon, dahil una sa lahat hindi na kami roommates, magkapitbahay na lang kami. Kasi nandito na nga ako.

“I wish her well, ‘yun na ‘yun,” sagot ni Ai-Ai sa tanong ng mga bakla.

Dalawang taong exclusive contract ang pinirmahan ni Ai-Ai, at may apat na programa siyang gagawin.

Dalawa raw ‘yung station produced ng GMA 7 at ang dalawa ay kasama mula sa APT ni Mr. Tony Tuviera na kung saan meron silang programang pagsasamahan nina Ryzza Mae Dizon at ang isa ay si Vic Sotto.

Sa GMA 7 naman ay bukod sa Let the Love Begin, may isang morning show siyang gagawin. Hindi kaya ito na ‘yung kay Ryzza?

Hindi napigilang maiyak ni Ai-Ai pagkatapos niyang pumirma dahil sa mainit na pagtanggap sa kanya ng mga bosses at pati mga empleyado ng Kapuso Network.

Kaya masayang-masaya siya at hindi niya napigilang maiyak sa sobrang galak.

Welcome back sa Kapuso, Ai-Ai!

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis