Acting ni Sean de Guzman sa ‘Anak ng Macho Dancer’ umani ng mga papuri

Leo Bukas

MAPAPANOOD NA sa streaming platform na KTXT.PH ngayong Sabado, January 30, 2021 ang pelikulang Anak ng Macho Dancer na pinagbibidahan ni Sean de Guzman. The controversial film is written by Henry Quitain, directed by Joel Lamangan and produced by Godfather Productions ni Joed Serrano.

Aminado si Sean na medyo nabibilisan siya sa mga pangyayari dahil maraming oportunidad agad ang nagbukas sa kanya pagkatapos gawin ang Anak Ng Macho Dancer at maging isang internet sensation.

Acting ni Sean de Guzman sa ‘Anak ng Macho Dancer’ umani ng mga papuri
Sean de Guzman

“Nakakagulat po talaga,” ang tila hindi makapaniwalang pahayag ni Sean na gumaganap bilang Inno sa Anak Ng Macho Dancer. “Nagkaroon po agad ako ng endorsement (Blackwater) at pati yung tawag nila sa akin naiba, ‘Ay, si anak ng macho dancer,’” sabi pa ng binata.

Kapipirma rin lang ni Seang ng movie contract sa Viva kung saan nakatakda siyang gumawa ng 10 pelikula. Isa na nga rito ay pelikulang posibleng pagtambalan nila ni AJ Raval na introducing sa sexy comedy film na Paglaki Ko Gusto Ko Maging Pornstar.

May naka-line up din na teleserye para kay Sean sa isang TV network.

“Ganito po pala yung feeling na sobrang overwhelmed ka sa dami ng blessings na natatanggap mo,” nakangiti niyang pahayag. “Parang hindi totoo pero alam mong totoo kasi nangyayari.”

Patuloy niya, “Importante din po na hindi mo bibitiwan yung pangarap mo at huwag mong susukuan. Dati kasi, sina Ms. Jaclyn Jose, Rosanna Roces, Alan Paule, Jay Manalo, Emilio Garcia at si Direk Joel, napapanood ko lang sila sa TV, hindi ko in-expect na sa first movie ko ay makakasama ko agad sila. Sobrang nakaka-proud po and at the same time very thankful ako.”

Umani rin ng positive review ang acting ni Sean sa pelikula base sa komento ng mga beteranong artistang nakasaama niya rito. Ano ang reaksyon niya?

“Ginagawa ko lang naman po ang trabaho ko at pinagbubuti ko para hindi ako mapahiya. Pero bilang baguhan, alam ko pong napakarami ko pang mga dapat matutunan. Inalalayan po ako nina Ms. Jaclyn, si Ms. Osang na gumanap na nanay ko sa pelikula at si Kuya Alan na tatay ko naman. Hindi po sila madamot.

Acting ni Sean de Guzman sa ‘Anak ng Macho Dancer’ umani ng mga papuri

“At siyempre, dahil din po sa guidance ni Direk Joel kaya na-portray ko nang epektibo yung role ko,” pahayag ni Sean.

Pagkatapos ng Anak ng Macho Dancer ay posible kayang  hindi na muna sasabak sa sexy role si Sean?

“Willing naman po akong gawin kahit anong role. Pero ngayon po siguro, depende yon sa project na ibibigay sa akin ng Viva at ng management team ko na 3:16 Events & Talent Management. Ang mahalaga po meron tayong trabaho lalo na ngayong pandemic,” huling pahayag ng promising young actor.