Dra. Vicki Belo, kinasuhan ulit ng kliyente!

Dra. Vicki Belo, kinasuhan ulit ng kliyente!HINDI PA MAN nabibigyang-linaw ang ilang reklamo ng mga kliyente kay Dra. Vicki Belo at sa Belo Medical, kaugnay ng mga palpak umanong surgical treatments, isa na namang kliyente ang lumutang upang ireklamo ang cosmetic surgeon at ang klinika nito dahil sa palpak umanong laser treatment.

Dumating kamakailan ang negosyanteng si ‘Mrs. Morita’ galing ng Narita, Japan, at nang makapanayam ito ng Pinoy Parazzi, ipinakita pa sa amin ang nagtutubig at nasunog na balat nito sa kanyang puwitan.

Ayon kay Mrs. Morita, isa siyang singer/ dancer sa Japan bago siya nagpa-laser treatment sa klinika ni Dra. Belo sa Makati. Tiniis umano niya ang sakit ng laser treatment, at pangangalay sa hindi pag-upo matapos ang operasyon, sa paniniwalang mapagaganda ni Dra. Belo ang kutis ng kanyang puwit.

Pero, nagulat umano si Mrs. Morita nang magtubig ang bahagi ng kanyang puwit na ‘ipinaayos’ umano sa Belo Clinic at masunog ang balat nito. Nang hingin umano ni Mrs. Morita ang opinyon ng ilang doktor sa Japan, sinabi sa kanya na maaaring nasobrahan umano sa laser ang kanyang puwit kaya nangyari iyon.

Sinabi pa sa amin ni Mrs. Morita na kaya siya bumalik sa Pilipinas ay para tutukan ang kanyang reklamo at lumutang na rin sa publiko. Sa tuwing makikita umano niya ang mga billboards ni Dra. Belo, nanggagalaiti raw siya, at naaawa siya sa iba pang mga posibleng maging biktima ni Belo.

Iginiit pa ni Mrs. Morita na hihilingin din niya sa mga organisasyon ng mga cosmetologists na imbestigahan ang kanyang reklamo. Habol din umano ng kliyenteng ito na matanggalan ng lisensiya si Dra. Belo dahil sa nangyari sa kanya.

(CAPTION)

Ipinakikita ni ‘Mrs. Morita’ ang bahagi ng kanyang puwit na ipina-laser treatment umano sa klinika ni Dra. Belo sa Makati. Sa halip na gumanda, napasama pa umano ang hitsura ng kanyang puwit na nagtubig at nasunog ang balat. (Parazzi Wires Photos)

by Danilo Jaime Flores