2 sikat na aktres, rumampa sa tambayan ng pick-up girl sa ibang bansa?!

MISTERYOSA ANG dating ng sikat na aktres na sumabak din dati sa pagpapaseksi. Itago natin siya sa pangalang Gina Regalado. Mabuti na lang at magaling ang kanyang talent manager, kaya nailigtas pa ang kanyang career sa tuluyang pagkalaos. Nawala kasi dati sa uso ang kanyang kasikatan, kaya ang naging kadramahan niya ay ang magpunta sa kung saan-saang bansa. Likas siyang malambing sa mga kalalakihan, kaya hindi ipinagtataka noon kung bakit napakaraming lalaki ang napaugnay sa kanya sa iba’t ibang bansa.

Ang sikat na aktres ay mayroong mga kaibigang kapwa artista na nakasabay niya sa pagpasok sa showbiz. Isang sikat at tisay na aktres ang best friend ni Gina, si Ruby Diaz. Nang mawalan sila ng raket sa showbiz, magkasama silang nag-travel sa iba’t ibang bansa. Minsan, sa isang bansa ay may sikat na lugar na tinambayan ang dalawa. Si Gina ang mas unang nakarating sa nasabing tambayan ng mga babae. Isa iyong park na sa paligid ay mayroon ding hotel.

Isang dating matinee idol sa showbiz, na si George Ebdane ang nakaaalam kung anong klaseng lugar ang tinatambayan nina Gina at Ruby. Nagulat siya, dahil iyon ay tambayan ng mga pokpok, at doon pumi-pick up ang mga banyaga ng mga babaeng gusto nilang maikama. Nawindang si George, ipinakiusap niya kina Gina at Ruby na humintong tumambay sa nasabing parke. Isang malaking palaisipan kay George kung “pumasada” ba sa nasabing tambayan sina Gina at Ruby?  Ngayon ay nasa Pilipinas na ang dalawang aktres at sikat na ulit sila.

(By Melchor Bautista)