Zsa Zsa Padilla, pinagtataasan ng kilay ang pagiging in love

Zsa-Zsa-PadillaWALA NAMANG masama kung ma-in love at muli nang makipagrelasyon si Zsa Zsa Padilla sa kahit na sinong lalaking magmamahal sa kanya. Medyo lang marami ang nagtaas ng kilay sa kanya ngayong kalat na ang balitang nakikipagmabutihan na siya sa isang lalaking nakipaghiwalay na rin sa dating asawa. Sobra naman kasing ma-drama si Zsa Zsa nu’ng kakatapos lang mamatay ng dati niyang karelasyon na si Mang Dolphy, dahil para siyang sinasapian ng kung ano, na kesyo nararamdaman pa rin niya sa loob ng kanilang tahanan si Mang Pidol

Hindi ba’t nagpa-tattoo pa nga si Zsa Zsa ng mukha ni Mang Dolphy. Namumulaklak lagi sa kanyang mga salita ang “Lovey-lovey ko!” na para bang kung iisipin mo ay bibilang talaga ng maraming taon bago siya ulit makipagrelasyon, dahil nga madrama si Zsa Zsa kapag si Mang Dolphy ang pinag-uusapan. Pero ‘yon pala, kabog siya ng kanyang pinsang si Lorna Tolentino, dahil mas matagal nang patay si Rudy Fernandez, na sobra ding mahal ni LT. Pero hanggang ngayon, kahit may ibang lalaking nagpaparamdam ng panliligaw ay parang hindi pa rin komportableng magsalita ang magaling na aktres kung pakikipagrelasyon pa ba siya ulit o hindi na.

Bata pa rin naman kasi at maganda si Zsa Zsa, kaya talagang magiging lapitin nga siya ng mga manliligaw. Napakabilis nga lang ng mga pangyayari na nakikipagligawan na talaga siya. Kaya masarap ding itanong sa kanya kung ano na ang ipinararamdam sa kanya ni Mang Dolphy ngayong usap-usapan na sa showbiz na may bago na siyang inspirasyon?

ChorBA!
by Melchor Bautista

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.