Tanda Ba News?: Zoren Legaspi at Carmina Villaroel, kambal sa hirap at ligaya

SILANG DALAWA LANG ang magkasama sa hirap, sa tingin n’yo ba maghihiwalay pa sila ngayong panahon na ng sarap?! ‘Yan ang dapat isipin ng mga utaw na pilit na gumagawa ng intriga para paghiwalayin ang uber sweet at beautiful showbiz couple na sina Carmina Villaroel at Zoren Legazpi. Hindi rin naman kasi simple ang love story ng dalawa, ‘no!

Ipinanganak si Zoren Legazpi noong January 30,1972. Nasa dugo nito ang showbiz dahil beteranong artista rin ang kanyang amang si Lito Legazpi at ang mga kapatid n’yang sina Kier at Brando.

Ipinanganak naman ang mestisahin at seksing si Maria Carmina Muñiz Villaroel noong August 17,1975 sa Laguna. Isa siya sa mga bankable stars ng Regal Films noong 80s. Lumipat siya ng Viva Films kung saan nakapareha n’ya ang pinatay nang si Rustom Padilla. Naging maingay ang Rustom-Carmina love team na nauwi sa kasalan at hiwalayan.

Dito na pumasok sa eksena si Zoren na naging dyowa naman ng bestfriend ni Mina na si Ruffa Gutierrez. Nauwi ang simpleng pagbisita bilang kaibigan sa madalas na pagdalaw at pakikipagkuwentuhan bilang mangingibig.

Nang mabuntis si Mina, mas pinili ng dalawa na mangibang-bansa para makaiwas na rin sa intriga. Sabi ni Mina, sa US daw sila mas naging matatag at mas nagkakilala ni Zoren. Silang dalawa lang kasi ang magkasama sa panahong mas marami ang hirap kesa sa saya.

Hindi naman nagkamali ang dalawa nang magpasyang sa ‘Pinas nila itaguyod ang pamilya. Dumating ang maraming projects kay Mina bilang TV host at aktres. Hindi rin naman nawalan ng proyekto si Zoren bilang direktor at aktor. At take note, maging ang kambal nilang sina Maverick at Cassandra, rumaraket na. Ngayong sila ang number one family endorser sa bansa, quality time pa rin daw para sa pamilya ang prayoridad ng mag-asawa.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.