Zero Remittance ng mga OFW, Ikinasa na

POSIBLENG MAAPEKTUHAN ang pagdating ng mala¬king remittances sa bansa matapos ang nakatakdang zero remittance protest ng libu-libong overseas Filipino workers (OFWs) sa darating na Setyembre 19.

Sinabi ng Migrante International, tinatayang 10,000 hanggang 50,000 OFWs ang makikiisa sa kanilang gaga-wing kilos-protesta na may temang “Zero Remittance Day for Zero Pork” bilang pagkondena sa nabunyag na paglustay at pangugnurakot sa kaban ng bayan at hihilingin na tuluyan nang alisin ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na nagiging sanhi ng katiwalian.

Nanawagan ang Migrante sa kanilang mga kaalyadong grupo sa buong mundo na makiisa sa naturang zero remittance protest laban sa mga mambabatas na inaakusahang nambulsa ng kanilang PDAF at ibang mga kasabwat kasunod ng paglutang ng mga whistleblowers laban sa negosyanteng si Janet-Lim Napoles na tinaguriang reyna ng nasabing scam.

Bukod sa pagtanggal sa PDAF ng mga mambabatas, nais ng mga OFWs na maging ang PDAF ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ay alisin na rin at masiyasat, makasuhan at maparusahan ang mga senador, kongresista at indibiduwal na ilegal na nakinabang sa naturang pondo.

Samantala, ang protesta ng mga OFWs kontra PDAF ay itinakda sa nabanggit na araw dahil kasabay ito ng anibersaryo ng Overseas Workers Welfare Assistance Omnibus Policies kung saan nakapaloob sa patakaran na kailangang magbigay ng $25 kontribusyon ang mga manggagawang Pinoy bago magtrabaho abroad.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

 

 

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.