ZANJOE MARUDO, IWAS NA MAPAG-USAPAN SI MARIEL RODRIGUEZ

HINDI PA RIN talaga tinatantanan si Piolo Pascual ng kanyang mga kakontra. Hanggang ngayon ay may mga nagtataas pa rin ng kilay sa relasyon niya kay KC Concepcion. Kung dati-rati ay hindi sila naniniwala sa closeness ng dalawa na humantong sa ligawan at nitong huli ay inamin na nila, ngayon, hindi pa rin humihinto ang pang-iintriga. Nilalagyan nila ng taning ang nasabing relasyon. Hindi raw magtatagal at sa hiwalayan din mapupunta.

Matagal na si Piolo sa showbiz. Hindi na siya apektado ng kung anu-anong intrigang ibinabato sa kanya. Nagsasalita na lang siya at nagkaklaro sa mga isyung dapat niyang sagutin kapag hinihingi ng pagkakataon. Tahimik ngayon ang kanyang mundo dahil nakatutok lang siya sa sobra at kakaibang saya ngayong magka-relasyon na sila ni KC, lalo pa’t ang mga mahahalagang tao sa buhay niya ay boto na makatuluyan niya ang anak ni Sharon Cuneta.

Hangad din naman ng Megastar ang kaligayahan para kina KC at Piolo, lalo pa’t alam naman niyang bilang tao at artista ay napakabait ng guwapong aktor.

Pero unfair ang mga taong gustong ilaglag si Piolo. Ang inaabangan nila ay kung makakatagal daw ba si KC ngayong nagsisimula nang ulanin ng intriga ang kanilang pagmamahalan? Nagwi-wish na ang may makakating dila na makita agad ng anak ni Gabby Concepcion ang mga kapintasan ni Piolo.

Tama ba naman ‘yon?

ISA TALAGA SI Robin Padilla sa mga hinaha-ngaang artista ni Zanjoe Marudo nung hindi pa siya pumapasok sa showbiz. Ang paghanga at respetong ‘yon ay dala-dala pa rin ng matangkad na aktor ngayon. Maliit lang ang mundo ng mga artista kunsaan ang dating iniidolong action superstar ay nakakasalamuha na niya sa mga hindi sinasadyang pagkakataon. Nagkataon pa na ang ex-girlfriend niyang si Mariel Rodriguez ay asawa na ngayon ni Binoe.

Hindi kumportable si Zanjoe na pag-usapan pa si Mariel dahil iba na ang sitwasyon ngayon ng magandang TV host. Kung hiwalay pa lang sila at single pa rin ngayon ang alaga ni Kuya Boy Abunda, baka okey lang na tanungin siya at pahapyaw siyang bumanggit tungkol sa dati nilang pinagsamahan.

Pero may asawa na si Mariel, kaya para kay Zanjoe, mas malalayo sa intriga kung hindi na lang siya magsasalita tungkol kay Rodriguez.

Malapit ngayon si Zanjoe kay Bea Alonzo. Sa ngayon ay magkasama sina Bea at Robin sa project nilang Guns & Roses. Kaya asiwa rin si Zanjoe sa mga birong tanong sa kanya, kung makakaya ba niyang dalawin si Bea sa shoo-ting ng tambalan nila ni Binoe? Papaano rin kung nagkataong nasa set si Mariel at dinalaw din si Robin?

Natatawa lang si Zanjoe. Dati kasi ay nagkaroon din ng isyu na balak niyang ligawan si Queenie Padilla, na hindi naman totoo. May ibang lugar at pagkakataon nga naman para madalaw at makausap niya si Bea. Respeto na lang kay Robin, bakit nga naman dadalaw si Zanjoe sa set ng Guns & Roses? Delicadeza ang tawag doon.

ChorBA!
by Melchor Bautista

loading...

One thought on “ZANJOE MARUDO, IWAS NA MAPAG-USAPAN SI MARIEL RODRIGUEZ

  1. sigurado ako na nagpadukot na rin ang bea alonzo na to kay zanjoe…. katulad ng dukutan nila ni anderson sa eroplano…. saan kaya..?? nagtatanong lang….

Leave a Reply

Your email address will not be published.