Zamboanga City, Hotspot sa Human Trafficking sa ‘Pinas – DOJ

ITINUTURING NA hotspot area ng Department of Justice (DoJ) ang Zamboanga City pagdating sa isyu ng illegal recruitment at human trafficking sa Pilipinas.

Sa isang pagpupulong na pinangunahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na isinagawa sa isang malaking hotel sa naturang lungsod, tinalakay ang kasaluku-yang sitwasyon doon.

Dinaluhan ang nasabing pagpupulong ng mga opisyal ng iba’t ibang mga barangay sa Zamboanga City.

Nakasentro ang talakayan sa isyu ng Trafficking in Persons (TIP) na madalas umanong idinadaan sa lungsod para ilabas ng bansa gamit ang “back door”.

Isa sa mga naging tagapagsalita ng pagpupulong ay si Assistant City Prosecutor Darlene Pajarito.

Ayon kay Pajarito, ang Zamboanga City ang nagsisilbing tambakan ng mga nagiging biktima ng

illegal recruiter at mga sindikato na responsable sa pagre-recruit sa mga inosenteng sibilyan lalo na ang mga menor de edad na nagmumula pa sa iba’t ibang mga lungsod at lalawigan sa bansa.

Karamihan umano sa mga nagiging biktima ay idinadahilan ang nararanasan nilang hirap sa buhay at ang iba naman ay ang mababang sweldo nila rito sa bansa habang ang iba ay wala talagang makitang trabaho.

Nilinaw rin ni Pajarito na ano pa man ang dahilan ng mga residente, dapat lamang na bigyan sila ng kaukulang kaalaman para malaman nila na hindi dapat maging biktima ng mga sindikato.

Samantala, patuloy pa ring nananawagan si Pajarito sa mga kinauukulan lalo na sa mga opisyal ng barangay na maging alerto para mapigilan na maging biktima ang mga residente sa kanilang lugar.

Ginagawa na rin umano ng DOLE ang kanilang mga programa para matulungan ang mga residente lalo na ang mga nasasalbang biktima.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.