Ynna Asistio, binasted si Derek Ramsay

NA-LINK KAY Derek Ramsay, kung saan nakitang lumabas ng aktor nang ilang beses, inakala ng iba na mauuwi sa espesyal na relasyon ang paglabas-labas na iyon nina Derek at Ynna Asistio. Kaya laking gulat ng lahat nang bigla na lang aminin ng aktor at ng girlfriend nito sa ngayon na si Cristine Reyes na silang dalawa na pagkatapos ng halos tatlong taon nilang pagkakaibigan.

Ayon kay Yna, masaya siya para kina Cristine at Derek. Alam niyang matagal nang magkaibigang matalik ang dalawa at dapat nga ay matagal na naging magkasintahan ang dalawa. Naging magkaibigan silang dalawa ng hunk actor at sa simula pa lang ay sinabihan na niya ito na hindi pa talaga siya handang pumasok sa panibagong relasyon dahil katatapos lang ng limang taong relasyon nila ni Mark Herras at sa ngayon ay gusto niya muna talagang magpokus sa kanyang trabaho.

Sa ngayon, naghihintay ng proyekto na ibibigay sa kanya ng ABS-CBN, kamakailan ay isa si Ynna sa naglipat-bakod mula sa bakuran ng GMA papuntang Kapamilya Network.

Masaya rin sa pagbabati ng inang si Nadia Montenegro at dating manager na si Annabelle Rama, kung saan inurong na ng parehong panig ang mga demanda nila sa isa’t isa. Ikinagulat nilang magkakapatid ang biglaang pagbabati ng dalawa pero nagbigay ito ng kapayapaan sa kanila, dahil ‘di nga naman biru-biro ang pumunta sa husgado at humarap sa paglilitis na kumakain ng kanilang oras, panahon at pera.

 

SA PRESSCON cum launching ni Michelle Vito bilang bagong endorser ng BNY, naikuwento ng batang aktres na nagmula pala siya sa GMA-7 at TV5 bago siya napasok sa ABS-CBN, at nabigyan ng break sa Aryana bilang kontrabida sa nasabing pantaserye.

Malaki ang pagkakahawig kay Shaina Magdayao, sa tanong kung ano sa palagay niya ang mayroon siya para makahabol sa kasikatan ng mga kapanabayang sina Kathryn Bernardo, Julia Montes at Julia Barretto, ang pagiging determinado na matuto, umangat at gawin ang lahat ang ibinigay na rason ni Michelle para magkaroon siya ng sariling lugar niya sa industriya.

Tinanong kung sino ang gusto niyang makapareha kung saka-sakaling magbibida siya sa isang proyekto, si Enrique Gil ang ibinigay na pangalan ni Michelle, kung saan ayon sa batang aktres ay nagwagwapuhan talaga siya rito. Dati pala ay si Jericho Rosales ang naging crush, inamin din ng aktres na nagkaroon din siya ng paghanga noon kay Daniel Padilla pero nakatanggap siya ng pamba-bash mula sa KathNiel fans kung kaya’t pinili na lang niyang manahimik tungkol dito. Tiyak na mabubuhay na namang muli ang pamba-bash sa kanya ng mga masusugid na tagahanga ng dalawa dahil si Michelle pala ang gaganap na ka-love triangle nina Kathryn at Daniel sa Metro Manila Film Festival entry ng Star Cinema na Pagpag.

Isa lang si Michelle sa mga kabataang artista na napahanay sa endorsers ng nasabing clothing brand na bilib naman kami, dahil sa kabila ng mahigpit na kumpetensiya ng mga local at international brands sa market, nakatayo pa rin ito at lalong lumalaki habang tumatagal.

Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.