X-mas Party ng Reg. 7 Police, Kanselado Dahil kay Sendong

INIUTOS NG Police Regional Office Director (PRO-7) sa Central Visayas ang pagkansela sa Christmas party na gaganapin sana kahapon sa hanay ng kapulisan. Ibibigay na lang ang budget nito sa mga biktima sa bagyong Sendong sa Mindanao.

Ang nakalaang pondo para sa kanilang taunang Christmas party ay ibibigay na lang sa libu-libong mga biktima sa Negros Oriental at Northern Mindanao partikular na sa Cagayan de Oro at Iligan City, ayon kay PRO-7 director  C/Supt. Marcelo Garbo.

Hindi nila matitiis na magsaya samantalang daan-daang pamilya ang naghihirap matapos tinamaan ng nasabing kalamidad, ani Garbo.

Ayon  naman kay P/Supt. Benjamin Santos, regional comptroller, ang budget sa kanilang Christmas party ay ilalaan sa  pagbili ng bottled water, canned goods, bigas at iba pang magagamit ng mga nasalanta ng bagyo.

Maging ang mga gift items na nakatakda sana para sa raffle prizes sa Christmas party ay ibibigay narin sa mga biktima ng kalamidad.

Nakatakda namang bumisita si Garbo sa Dumaguete City sa Negros Oriental na labis ang pinsala dala ng bagyo upang personal na mag-assess sa danyos kasama na ang mga donasyon upang ipamahagi sa mga biktima ng bagyong Sendong.

Maging si Cebu City Mayor Michael Rama ay nakatakda namang magbigay ng tulong pinansiyal na aabot sa P5 milyon para sa mga biktima sa Cagayan de Oro at Iligan City na labis na sinalanta ng nasabing bagyo. (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.