Willie Revillame, pinangatawanan na ang ‘di pagsipot sa Wowowee?!

NAGMAMATIGAS AT PINANGATA-WANAN na ni Willie Revillame ang hindi niya pagsipot sa sariling programa. At dahil dito ay nanindigan na rin ang ABS-CBN na kung tutuluyan ni Willie ang naging pahayag na kapag hindi tinanggal si Jobert Sucaldito sa mga programa nito sa Dos ay siya ang magre-resign.

“Dapat nag-iisip-isip si Willie sa mga binibitiwan niyang salita to think na ang Dos ang higit na nakatulong sa kanya ngayon kung bakit naririyan siya sa ganyang posisyon.” Pahayag ng aming source.

Ayon pa sa aming source, nalulungkot daw ang ABS-CBN sa nangyari, pero hindi raw dapat ito maapektuhan dahil ang unang layunin ng nasabing TV network ay magbigay-kasiyahan at impormasyon sa mga manonood.

“Actually, madali lang sana ang problema. Kasi kung sa sarili nating bahay ay nagkakaroon tayo ng problema, lalo pa sa ganitong work, ‘di ba? Ang kaso, paano mo maayos ang isang problema kung ‘yung mga taong involved ay hindi tumatanggap ng pagkakamali.” Sinabi ng aming source na hindi niya sinasabing mali si Jobert o mali si Willie, pero bilang magkasama raw sa isang TV station, dapat magkaroon ng puwang ang salitang “pang-unawa sa isa’t isa.”

SA KABILANG BANDA, mariing itinanggi ng Channel 5 ang balitang lilipat na si Willie sa kanilang station sa sandaling tuluyang mag-resign ito sa Wowowee.

Ayon sa aming source, wala pa raw nagaganap na negotiation. “No, hindi totoo iyan, speculation lang ng mga tao ‘yan.” Kasi nga naman daw ay nasa Kapatid Network si Miss Cristy Fermin, ang columnist na very close ni Willie sa ngayon.

Sa kabuuan, kinausap na rin ng Dos si Jobert na huwag nang magsalita pa tungkol sa sigalot nila ni Willie. Bagay na noong una pa lang, nagawa na ng kolumnista.

HINDI GANU’N KAKUMPIRMADO, pero balitang binitiwan na raw ni Kuya Boy Abunda ang pagma-manage kay Keana Reeves, dahil hindi maawat ang sexy aktres sa raket nito na pag-e-escort girl.
Ayon sa aming source, matagal na raw pinagsasabihan ni Kuya Boy si Keanna na talikuran na ang dating gawain, pero dahil na rin sa kawalan ng show ay muling nagtrabaho raw ang aktres. “Paano namang hindi siya raraket ,e wala naman siyang show?” sabi pa ng aming source.

Wala raw panghihinayangan si Keanna kung sakaling tuluyang talikuran na ito ni Kuya Boy.

Sa kabilang banda, naaawa at nanghihinayang ang aming source kay Keanna dahil nauubos lang daw ang pera ng aktres sa isang guwapong bagets. “Luka-loka talaga si Keanna ‘pag na-in love. ‘Yung bar and restaurant niya, nalulugi na dahil na rin sa kanyang kapabayaan,” sabi pa ng aming source na ayaw magpabanggit ng kanyang pangalan.

MAS  BIBIGYAN DAW ng pansin ni Christoper de Leon ang pagiging board member niya sa lalawigan ng Batanggas kaysa sa paggawa ng pelikula. “Siguro ang first priority ko ay family, next itong pagiging servant ko at third na lang ‘yung pelikula. Pero siyempre, hindi ko makakalimutan ang movie industry dahil hindi ko makukuha ang lahat ng bagay na ngayon ay nasa akin kung wala ang mundo na aking pinagkakautangan,” tuluy-tuloy na pahayag ni Boyet sa Pinoy Parazzi.

Sa kabilang banda, mariing itinanggi ng kampo ni Ara Mina na nagpakalasing daw ang aktres noong ito ay matalo sa nakaraang election.

“Ang cheap naman ng isyung iyan. Hindi totoo iyan” mariing sabi ng aming spy.

Samantala, nakikiramay kami sa pagyao ng kasamahan namin sa Pinoy Parazzi na si Archie de Calma.

More Luck
by Morly Alinio

Previous articleJohn Lloyd Cruz at Shaina Magdayao, totohanan na?
Next articleSa isyu ng Ampalaya Anonymous: Pauleen Luna at Maxene Magalona, nagharap na!

No posts to display