Willie Revillame, live na magsasalita sa Startalk?!

HANGGANG NGAYONG ARAW na lang pala si Robin Padilla sa Wowowee at hindi na raw ito nagpa-extend kasi hindi na raw pumuwede sa schedule niya.

Ang dinig kong kinukuha nilang kapalit din pansamantala ay si Cesar Montano pero ewan ko kung tuloy ‘yun.

Nag-enjoy naman daw si Robin sa dalawang linggong pag-host niya sa Wowowee at naiintriga na nga sila ngayon ni Mariel Rodriguez. Kaya malay natin, bumalik din iyan.

Tatlong buwan ngang mamamahinga si Willie Revillame pero ang daming mangyayari sa tatlong buwan na iyan. Kaya hind natin alam kung ano ang magiging kapalaran ng kontrobersyal na TV host sa ABS-CBN, dahil may kontrata pa rin siya at bayad ‘yun, huh! Kaya hindi siya puwedeng lumabas sa kalabang programa gaya ng Eat… Bulaga! o anong variety o game show.

Kaya lang, ito namang Willie, gustung-gustong mag-guest sa amin sa Startalk. Gusto niyang mag-live guest pero siyempre depende pa iyan kay Joey de Leon, dahil silang dalawa ang aabangan diyan.

Kaya tanungin ko muna si Joey kung okay lang ba sa kanya na magkaharap sila sa Startalk. Naku ewan ko na lang!

Abangan n’yo na lang kung matutuloy iyan!

Marami naman kayong aabangan sa Startalk bukas dahil may mga eksklusibong kuwento kami na pinaghahandaan namin ngayon. Pero ano kaya kung biglang sumulpot itong si Willie? Kasi kinakausap daw nito si Ricky Lo na mag-guest sa amin. Ewan ko na lang! Abangan n’yo na lang iyan kung matutuloy!

ISA SA PINANGHIHINA-YANGAN kong aktor na nawala na lang bigla ay itong si Cogie Domingo.

Kahit ilang taon din siyang hindi ganu’n ka-active sa pag-aartista, kung anu-anong mga kontrobersiya naman ang kinasangkutan niya.

Matindi ‘yung na-link siya kay Che Singson at nadamay siya sa hiwalayan nito kay Chavit Singson, pero nanahimik lang siya.

Ngayon, nagbabalik si Cogie at willing magpaka-daring. Ewan ko kung desperado nang bumalik kaya tinanggap niya itong indie movie na Muli na may temang kabadingan.

Bading ang role niya rito na mala-Brokeback Mountain at ka-churvahan niya rito si Sid Lucero.

Sabi ni Cogie nang in-interview ito ng Startalk, okay lang daw sa kanyang maghubad, kahit may frontal nudity kung talagang kailangan sa istorya at nasa script ito.

Wala na raw siyang mga limitations o inhibitions kung talagang kailangang maghubad, hubad!

Nu’ng nagkaroon ng story conference ang project na ito, hindi na sinagot ni Cogie ang isyu niya noon kay Singson. Matagal na raw naayos ‘yun kaya ayaw na raw niyang pag-usapan pa.

Gusto na lang daw niyang bumalik sa trabaho dahil naniniwala naman daw siya sa kakayahan niya, at kakayanin niyang bumalik uli at maging magaling na aktor.

Good luck na lang. Sana nga mapansin na rito uli si Cogie.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

Previous articleLovestruck Kainan! (Enzo Pineda-Sarah Lahbati)
Next articleSaicy Aguila does the ‘Mad Dancing’

No posts to display