Whistleblower bill, lusot na sa House committee

APRUB NA sa House committee on justice ang Whistleblower Bill na nagtatakda ng proteksiyon at benepisyo para sa mga whistleblower.

Itinatakda sa ilalim nito ang financial assistance para sa whistleblower sa oras na maisampa sa prosecutor’s office ang reklamo na resulta ng testimonya nito, kapag may natukoy na probable cause sa reklamo at kapag tuluyang naisampa ang asunto sa korte para sa paglilitis.

Sinabi ni House justice committee chairman at Iloilo Rep. Niel Tupas Jr. na mula P50,000 hanggang P200,000 ang puwedeng tanggapin ng whistleblower.

Base sa ilalim ng Whistleblower Protection Bill, nagtatakda ng mabigat na kaparusahan kung ang witness ay magbibigay ng maling testimonya dahil ipapataw rito ang parusa na katapat ng kaso kung saan ito nagbigay ng false testimony.

Ang mga law enforcers naman na pupwersa sa sinuman na magbigay ng maling testimonya ay siyang papatawan ng katumbas na parusa.

Bago pa naaprubahan ng komite ang nasabing panukala, nagpahayag ng mariing pagtutol ang Office of the Ombudsman sa probisyon nito para sa financial assistance sa whistleblowers dahil maaaring maraming maglabasang gustong tumestigo pero pera lang ang habol ng mga ito.

Nakapaloob din sa naturang panukala ang pagbibigay-daan para makapagbago ng identity ang sinumang whistleblower o indibidwal na tumitestigo sa kaso.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.