Welder, Patay sa Kuyog ng 8

ISANG 31-ANYOS na welder ang maagang namatay makaraang kuyugin ng walong hindi nakikilalang kalalakihan at hindi pa nasiyahan ay pinagsasaksak pa sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Patay na bago idating sa Rodriguez Memorial Medical Hospital ang biktimang si Rodel Roncales, 31, welder at kasalukuyang naninirahan sa Phase 5, Package 3, Block 11, Lot 20, Brgy. 176, Bagong Silang ng nabanggit na lungsod.

Nagsasagawa ngayon ang Caloocan PNP ng manhunt operation laban sa mga hindi pa nakikilalang suspek na mabilis na nagsitakas matapos isagawa ang krimen.

Base sa ulat ng Caloocan City Police, dakong alas-11 ng gabi nang maganap ang nasabing insidente sa isang tricycle terminal sa Brgy. 176, Bagong Silang.

Nabatid na bago ang insidente, ang biktima kasama ng kanyang kapatid at ilang kaibigan ay nag-iinuman sa loob ng RC Videoke and Carinderia nang biglang dumating ang mga hindi nakikilalang suspek at agad gumawa ng kaguluhan.

Para makaiwas sa gulo ay mabilis na nagsialis ang grupo ng biktima subalit kaagad na kinuyog ng mga suspek ang biktima at hindi pa nasiyahan ay isa sa mga suspek ang bununot ng patalim at pinagsasaksak ang una sa iba’t ibang parte ng katawan at pagkatapos ay mabilis na nagsitakas.

Mabilis na dinala ng kanyang grupo ang biktima sa nasabing pagamutan subalit patay na ito bago idating.

Kasalukuyang nagsasagawa ang pulisya ng masusing imbestigasyon para mabatid ang mga pa-ngalang ng mga suspek at ang motibo ng krimen.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.