Webcam child sex abuse sa ‘Pinas, iimbestigahan

SISIYASATIN NG British, Australian at US police ang kalakaran ng child sex abuse sa Internet sa Pilipinas.

Ito ang sinabi ng National Crime Agency ng United Kingdom na nag-iimbestiga na sa umano’y kalakaran mula nang madiskubre nito ang isang malaswang video sa computer ng isang Britong pedopilya dalawang taon na ang nakararaan.

Tinawag ng nasabing ahensya na “significant and emerging threat” sa mga papaunlad na bansa ang ganitong uri ng insidente.

“This investigation has identified some extremely dangerous child sexual offenders who believed paying for children to be abused to order was something they could get away with,” ayon sa NCA.

Ang naturang pagsisiyasat na tinawag na “Operation Endeavour” ay inilunsad sa 12 bansa kung saan 17 Briton na ang nadakip kabilang ang limang napakulong.

15 kabataan, edad anim hanggang 15, na ang nailigtas sa ilalim ng nabanggit na programa.

Base sa report ng British broadcast company na BBC matapos ang pagsisiyasat nito, lumutang na nagbabayad ang mga Briton para makapanuod ng pang-aabuso sa mga menor mula sa bansa sa pamamagitan ng webcam.

Samantala, sa isang kasong tinutukan ng BBC, may isang Briton na na nag-organisa ng pang-aabuso sa limang bata mula sa iisang pamilya.

Tinukoy pa nito ang Ibabao, Cebu na isa sa mga sentro ng cybersex sa Pilipinas.

Taong 2012 nang i-raid ng mga awtoridad mula UK, Australia, US at Pilipinas ang dalawang bahay sa Angeles City, Pampanga kung saan nangyayari umano ang cyber show.

12 bata, edad 5 hanggang 15 ang nailigtas habang natimbog naman ang mga kaanak nito na siya mismong nagtulak sa mga anak sa kalakalan.

Lumalabas sa opisyal na tala ng bansa, nasa 60,000 hanggang 100,000 kabataan ang nasasangkot sa sexual exploitation kung saan malaking porsyento rito ay mula sa cybersex.

Sinabi ng NCA na kahirapan, pagiging abot-kaya ng Internet connection at sari-saring overseas customer ang nagiging dahilan kung bakit naitatayo ang mga grupong nasa likod ng pang-aabusong ito sa kabataan.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.