WANTED

MAMAYANG GABI, MULING aarangkada ang TV show na WANTED sa TV5 pagkatapos ng Aksyon Journalismo (late night news). Tulad ng programang WANTED SA RADYO (WSR), ang TV version na WANTED ay nagbibigay ng instant aksyon at solusyon sa mga idinudulog na problema ng mga maliliit nating kababayan.

Kung kayo ay masugid na tagasubaybay ng WSR, tiyak na magugustuhan ninyo ang episode ng WANTED mamayang gabi dahil punung-puno ito ng bakbakan.

NITONG MGA NAKARAANG araw, sunud-sunod ang pagputok ng balita tungkol sa samu’t saring katiwalian na kinakasangkutan ng dati at kasalukuyang mga opisyales sa gobyerno.

Dugtung-dugtong din ang pagbubunyag ng administrasyong Aquino tungkol sa mga katiwalian na nadiskubre nilang ginawa ng mga nakaraang administrasyon.

Tila matuwid na daan nga ang tinatahak ngayon ng Aquino government at seryoso sila na ipatupad ito tulad nang naipangako ni Pangulong Noynoy sa kanyang inauguration speech.

Pero paano na kung ang mga taong kakampi o kaalyado sa pulitika ng administrasyong Aquino ang mismong sumusuway sa kanyang kahilingan at ang mga ito ay tumatahak ng baluktot na daan?

May mga balitang nakakarating sa inyong SHOOTING RANGE na maraming opisyal ngayon ng ating gobyerno ang nagiging istambay ng mga casino at nagpapatalo ng milyun-milyon gabi-gabi. Madalas mamataan umano ang mga taong ito na nagwawaldas sa isang bagong casino malapit sa NAIA Terminal 3. Ilan umano sa mga ito ay mga pulitiko na kaalyado ni Aquino sa pulitika.

May kasabihan na bago mo linisin ang bakuran ng iba, kailangang linisin mo muna ang sarili mong bakuran. Ibig sabihin, para mas lalong magkaroon ng kredibilidad ang Aquino government at maging epektibo na rin ito sa pagkalkal ng mga katiwalian at pagtugis sa mga tiwali, dapat sigurong paimbestigahan din ni Pa-ngulong Noynoy ang mga tauhan at kaalyado niya kung saan kinukuha ng mga ito ang daan-daang milyong piso na kanilang ipinapatalo sa casino kada buwan?

YAMAN DIN LAMANG na pinag-uusapan natin ang tungkol sa mga taga-gobyerno na nagwawaldas ng pera sa sugal, at kung seryoso talaga ang administrasyong Aquino na tugisin ang mga tiwali sa kanyang gobyerno, wala siyang ibang gagawin kundi magpaposte ng kanyang mga tauhan sa intelligence sa mga sabungan.

At kapag ikinulong ang mga taga-gobyernong sabungerong ito, hindi sila magkakasya sa National Bilibid Prison. Kunwari na lang ay makukulong silang lahat, siguradong magmimistula nang haunted house ang iba’t ibang opisina ng pamahalaan maging ang tanggapan ng iba’t ibang pulitiko. Ang masaklap pa, pati siguro ang mga nautusang intelligence agents ni P-Noy ay makukulong na rin dahil sabungero rin pala ang ilan sa kanila.

ANG WSR AY may bago nang tahanan. Ito ay lumipat na sa Radyo5 at mapakikinggan sa pihitang 92.3 FM, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm.

Para sa mga sariwa at maagang balita, panoorin ang BALITAANG TAPAT sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 – 12:00 pm. Kung nais n’yo ring maaksyunan ng nasabing newscast ang inyong mga reklamo sa pamamagitan ng segment nito na ITIMBRE MO KAY TULFO, mag-text sa 0908-87-TULFO. Maaari rin kayong mag-text sa 0917-7-WANTED.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.