Wanted sa TV!

BUKOD SA ESPASYONG ito, tatlo na ang venue na magagamit ninyo upang pagdulugan ng inyong mga sumbong para sa mabilisang solusyon. Ang ITIMBRE MO KAY TULFO, isang segment ng Balitaang Tapat sa TV5 na mapapanood araw-araw, Lunes hanggang Biyernes, 11:30-12:00 pm ay tumatanggap ng mga sumbong at nagbibigay ng agarang aksyon.

Ang WANTED SA RADYO naman na mapakikinggan Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm, sa 558 kHz DZXL RMN ay mahigit isang dekada nang nakikipagbakbakan para sa mga maliliit nating inaaping mamamayan.

At ngayon, simula January 21, 2011, Biyernes, 11:00 pm, ilulunsad ng TV5 ang WANTED SA TV. Tulad sa ITIMBRE MO KAY TULFO at WANTED SA RADYO, isa lang ang pangunahing layunin ng WANTED SA TV – at ito ay ang tumanggap ng sumbong at magbigay ng mabilisang solusyon sa mga hinaing ng ating mga kababayan.

Kasama rin sa layunin ng WANTED SA TV ang magsiwalat at magbigay ng aksyon kontra sa mga katiwalian sa ating lipunan.

Ang programang ISYU naman na mapakikinggan sa 92.3 NewsFM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 10:00-11:30 am, ay isa pa ring public service program ng inyong SHOOTING RANGE na bagamat hindi tumatanggap ng mga sumbong, ito ay tumatalakay ng mga kasalukuyang maiinit na isyu na nakaaapekto sa ating bayan lalo na sa maliliit nating mamamayan. Hinahanapan ng programa ng linaw at kasagutan ang anumang isyu na tinatalakay rito.

At nais kong samantalahin ang pagkakataong ito upang buong pagpapakumbaba at taos-pusong ipinapaabot ko sa lahat ang pasasalamat dahil sa patuloy ninyong tiwala at pagdulog sa inyong lingkod dahilan upang lumawak pa ang pagbibigay ko ng serbisyo-publiko sa inyo.

NOONG JANUARY 5, si Sedire Aguillana ay dumulog sa ITIMBRE MO KAY TULFO (IMKT). Lumuwas pa ng Pagudpod, Ilocos Norte si Sedire para lamang makapagsumbong sa IMKT. Bakas ang mga pasa sa mga binti ni Sedire na ayon sa kanya ay mula sa pagkakahampas ng baseball bat.

Si Sedire ay isang dating utility boy ng mga pulis ng Pagudpod. Isang araw, pinaghinalaan siya ni PO2 Desilina Nicolas na nagpapadala ng mga tsismis laban dito sa text.

Pilit pinaaamin ni Nicolas si Sedire ngunit nanindigan si Sedire na wala siyang kinalaman sa ibinibintang sa kanya. Dinala ni Nicolas si Sedire sa presinto at doon pinagtulungang bugbugin ito ng dalawa pang kasamahang pulis ni Nicolas na sina SPO3 Gilbert Villamor at PO2 Filamor Daliri.

Sa tuwing ayaw akuin ni Sedire ang pinapaamin na bintang sa kanya, nakatitikim siya ng hampas ng baseball bat. Nakatitikim din siya ng sampal, batok at tadyak mula kay Nicolas. Sa isang pagkakataon, tinutukan ni Daliri ng baril sa ulo si Sedire at kinasahan ito. Nang akmang kakalabitin na ang gatilyo, tinabig ng isa sa mga kasama ni Daliri ang baril at hindi naituloy ang pagpapasabog sa ulo ni Sedire.

Sa mga oras na isinusulat ang artikulong ito, ang tatlong nabanggit na pulis ay na-relieve na sa kanilang mga puwesto at confined to headquarters habang personal na pinaiimbestigahan ng provincial director ng Ilocos Norte na si Col. Marlou Cortez Chan ang kanilang kaso. Kasong kriminal at administratibo ang kinahaharap ng tatlo.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.