Wanted

NAIS KONG MAGPASALAMAT nang taos-puso sa lahat ng mga nagpuyat noong Biyernes para mapanood lang ang WANTED sa TV5 na umere ng 1:15 am – bale madaling-araw na ng Sabado. Patunay na marami talaga sa inyo ang nag-abang ay dahil pumalo sa nakalululang 41.7% ang ratings nito sa audience share noong nakaraang episode, ayon sa talaan ng AGB Nielsen.

Ito na marahil ang pinakamataas na ratings na nakuha ng isang late night public affairs show sa telebisyon sa napakahabang panahon. Ang mga kasabay na show ng WANTED sa ibang istasyon ay pumapalo lamang sa 30% plus ang mga audience share.

Kaya ko nababanggit ito, dahil ako’y nagagalak sapagkat ipinapakita ninyo na interesado kayong malaman ang mga pang-aabuso at pang-aapi na ginagawa ng mga taong nasa kapangyarihan laban sa mga ma-liliit nating kababayan. At kayo ay nakikiisa sa mga kababayan nating kinakawawa.

Nagpapasalamat din ako nang taos-puso sa lahat ng mga nagsusumbong at ipinagkakatiwala nila ang kanilang mga problema sa WANTED. Inaasahang sa darating na Biyernes, mapapaaga na ang pag-eere ng WANTED. Ito ay mapapanood na ng 11:00 pm, pagkatapos ng Aksyon Journalismo.

PARA SA MGA hindi nakapanood sa nakaraang episode ng WANTED, ito ay tungkol sa isang batang pedicab driver na kinawawa ng dalawang pulis sa loob ng PCP 2 sa Tondo, Manila. Dinampot ni PO1 Alexander Diaz si Jeric Umlas at kinaladkad patungong presinto dahil napagtripan lang niya ito.

Pagdating ng presinto inutusan ni Diaz si Jeric na itaas ang kanyang mga kamay. At sa tuwing itinataas ni Jeric ang kanyang mga kamay, sinusuntok ni Diaz ang kanyang tagiliran. Habang nagmamakaawa si Je-ric kay Diaz na itigil na ang pananakit sa kanya, lalong nanggigigil at ginaganahan si Diaz.

Nang mapagod na sa kasusuntok kay Jeric, iniharap naman niya ito sa kanyang station commander na si Major Rodolfo Fajardo. Ipinabukas ni Fajardo ang bibig ni Jeric at pagkatapos ay kumuha ito ng pellet gun. Ginawang shooting range ni Fajardo ang bunganga ni Jeric gamit ang pellet gun. Paulit-ulit niyang pinagbabaril ang nakangangang bibig ni Jeric. Dalawang magazine ng pellet din ang naubos ni Fajardo sa katatarget sa butas ng bunganga ni Jeric.

Napanood ng tanggapan ni PNP Chief Gen. Raul Bacalzo ang nasabing episode ng WANTED at iniutos mismo ni Bacalzo sa kanyang mga tauhan na imbestigahan ang kaso ni Jeric.

SA BIYERNES, APRIL 15, mapapanood naman ang kuwento tungkol sa isa pa ring sira-ulong pulis. Natatandaan n’yo pa ba si PO1 Florencio Valenzona na naisulat sa espasyong ito noong April 1, 2011?

Binugbog ni Valenzona si Jonard Amante. Barkada kasi ni Jonard si Demas na boyfriend ng isang babaeng nagngangalang Verna. Si Verna ay asawa ng isang seaman at habang nasa laot ang asawa ni Verna, sumasa-lisi si Valenzona at nakikipagrelasyon siya rito.

Nais kasing paaminin ni Valenzona si Jonard na ang kanyang kaibigan na si Demas ay karibal niya kay Verna. Hinahanap din ni Valenzona kay Jonas si Demas. Nang walang makuhang impormasyon si Valenzona kay Jonard, binugbog niya ito.

Ang WANTED SA RADYO ay mapakikinggan Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm sa 92.3 FM. Kasabay na napapanood ito sa Aksyon TV sa Channel 41.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.