Waning Abdulsalam, baka patay na – AFP

 

MATAAS ANG INDIKASYON na patay na si Waning Abdulsalam, lider ng lawless group na responsable sa pagpatay sa 19 sundalo sa Al-Barka, Basilan.

Kasabay ito ng matagumpay na pagkakakubkob sa pinakamalaking kuta at tinaguriang ‘safehaven’ ng kidnapping operation at terrorist activities sa Zamboanga Sibugay noong Miyerkules.

Ito ang inihayag kahapon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs Office (PAO) Chief Lt Col. Arnulfo Burgos Jr. sa isinagawang press briefing kahapon ng hapon sa Camp Crame.

Ayon kay Burgos, ang posibilidad na patay na ang leader ng lawless elements na si Waning Abdulsalam ay base na rin sa mga pinakabagong ulat na natanggap ng mga ito mula sa nasabing lalawigan.

Bukod aniya sa naunang ulat na 12 miyembro ng grupo ang nasawi sa magkasunod na air strike sa kuta ng mga rebelde, 15 bagong libingan din ang natagpuan sa  Sitio Talaib, Barangay Labatan, Payao, Zamboanga Sibugay.

Sa nasabing mga libi-ngan, posible anyang isa rito ay kay Abdulsalam.

Ito aniya ang laman ng ulat na ipinasa ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Mindanao Command (Westmincom) Chief Lt Gen. Raymundo Ferrer kay AFP Chief of Staff  General Eduardo Oban Jr.

Ayon kay Ferrer bukod sa mga bagong libingan sa sementeryo, napuno rin ng dugo ang isang maliit na mosque sa lugar na posibleng pinagdalhan ng mga kalaban sa kanilang mga sugatang kasamahan.

Na-recover din ng militar ang mahigit sa sampung bomba o improvised explosive device (IED) sa lugar gayundin ang isa sa dalawang calibre 50 machinegun sa lugar.

Bukod dito, tatlong miyembro ng grupo ang naaresto, dalawa ang sumuko habang mahigit naman sa 40 iba pa ang nasugatan.

Kaugnay nito, malaki ang paniniwala ng military na napabagsak na ng mga ito ang kuta ng kalaban.

“The safehaven of kidnapping operations and terrorist activities in Zamboanga Sibugay has fallen,” pahayag ni Ferrer.

Matatandaang si Abdulsalam at ang mga kasapi nito ang itinutu-rong suspect sa serye ng pananambang sa mga military at police convoy sa Zamboanga Sibugay kamakailan, kung saan pitong sundalo at pulis din ang nasawi.

Bunga ng bakbakan, umabot na rin sa mahigit 2000 pamilya o 21, 000 katao ang apektado at pansamantalang nanunuluyan sa 19 na evacuation centers.

(EUNICE CALMA)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.