Wally Bayola, gustong nang bumalik sa trabaho

Wally-BayolaNAGPAPARAMDAM NA ulit si Wally Bayola ng kanyang pagbabalik sa sirkulasyon. Huwag nang sabihin, na dahil kailangan niya ng trabaho, sapagka’t sa ilang buwan niyang pamamahinga dahil sa video scandal, naubos din siyempre ang perang kanyang naipon nu’ng kasagsagan ng kanyang pagtatrabaho sa telebisyon, sa comedy bar at pelikula kasama ang partner niyang si Jose Manalo. Hinahanap din kasi talaga ng katawan ni Wally ang nakasanayang trabaho.

Pareho naman kasing magaling na komedyante sina Jose at Wally, pero talagang halata na parang napilayan din si Jose nu’ng hindi na niya nakakasama sa trabaho si Wally. Isang hataw sa kuwelang bahagi ng Eat Bulaga ‘yung “All For Juan” nila, kung saan sila pumupunta sa kung saan-saang lugar para magpasaya at mamigay ng mga regalo sa mga tumututok sa EB. Nabawasan ang saya nu’ng wala si Wally. Buti na lang at kasanayan na rin ni Jose si Paolo Ballesteros na kanyang nakasama.

Totoo. Iba ang kaso ni Wally. Mas lamang na hindi siya kinamuhian ng mga tao dahil sa video scandal niya. Mas marami ‘yung natawa na lang pagkatapos ng konting lungkot kung bakit nagkaroon pa siya ng ganu’ng eskandalo. Kasunod na ‘yung pagkasabik, na sana nga ay bumalik na ulit ang komedyante sa kanyang mga trabaho, lalo na sa EB, dahil lagi pa rin talagang hinahanap ang pagpapakuwela nila ni Jose.

 

SOBRANG NATATAMBAKAN ng mga trabaho si Toni Gonzaga sa showbiz, kaya kapag nangyayaring katulad ng pagkawala niya sa pagpapalit ng programa nila nina Kuya Boy Abunda at Charlene Gonzales, ang The Buzz ng ABS-CBN na ngayon ay naging Buzz Ng Bayan, samahan lang sa trabaho ang ikinalulungkot niya. Pero para sa kanya ay nangangahulugan lang din ng pahinga ‘yung minsang may regular siyang programa na nawawala.

Naka-poste pa rin naman siya lang bilang host sa ASAP at mayroon din siyang sitcom ngayon. Nagkakagulatan na nga lang lagi, na basta na lang pala siya kakailanganin at isasalang ng Kapamilya Network para mag-host sa bagong programa. Kasi nga, isa si Toni sa magagaling na inaasahan ng Dos kapag hosting job na ang pag-uusapan.  Ipinagpapasalamat na lang ng anak ni Mommy Pinty Gonzaga, na alis at dating lang ang kanyang mga trabaho.

Masipag naman kasi si Toni sa kanyang career, dahil patuloy niyang ine-enjoy ‘yung pagbongga ng kanyang career na matagal niyang inasam na mangyari. Kaya nga hanggang ngayon, konting hintayan pa sila ng kanyang boyfriend na si Direk Paul Soriano para magpakasal. Hayan nga, tahimik lang na natapos ni Toni ang pelikulang Starting Over Again ng Star Cinema, kapareha si Piolo Pascual, na kumportable niyang nakatrabaho, dahil dati na naman silang okey mula nang magkakilala sila.

ChorBA!
by Melchor Bautista

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.