Walang Special Treatment Kay Napoles – DILG

TINIYAK NG pamahalaan na walang special treatment ang mga kinauukulan sa negosyanteng si Janet Lim Napoles, kahit pa mismong kay Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ito sumuko.

Sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas na katulad ng isang pagkaraniwang akusado, dumaan sa proseso si Napoles kabilang ang pagsilbi sa kanya ng warrant of arrest, booking at pagkuha ng kanyang mugshots at fingerprints sa loob ng Camp Crame.

Ayon sa kalihim, ang seguridad na ibinibigay ng Philippine National Police (PNP) sa negosyante ay mahalaga para ma-secure ito at malaman ng taongbayan ang katotohanan.

Kahapon ay  nagreport sa Makati City Regional Court ang PNP para ipaalam na naisilbi na ang warrant of arrest kay Napoles.

Inihayag pa ni Sec. Roxas na ipinauubaya na rin nila sa husgado ang desisyon kung saan ikukulong ang akusado.

Kaugnay nito, kinumpirma rin ni Roxas na binawi na ng gobyerno ang P10-milyon na reward na unang inilaan ng Pangulo kay Napoles.

Gayunman, nakataas pa rin aniya ang hiwalay na P5-milyon na bounty para sa kapatid nitong si Reynald Lim na inaasahangn susuko na raw sa mga susunod na araw.

Matatandaan na si Napoles ang sinasabing nasa likod ng P10-bilyon na pork barrel scam at kontrobersyal na fertilizer fund at Malampaya fund scam.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.