Walang patid ang buhos ng ulan 2 patay; 2 sugatan sa pagguho ng pader

NAMATAY ANG dalawang katao kabilang ang isang batang lalaki habang sugatan naman ang dalawang sanggol matapos madaganan ang bahay ng mga ito ng gumuhong pader dahil sa walang tigil na pag-ulan sa Valenzuela City kahapon ng umaga.

Si Rodel Pugoy, Sr., 29, ng Sitio Kabatuhan, Brgy. Gen. T. de Leon ng nasabing lungsod ay agad na namatay sa pinangyarihan ng insidente sanhi ng tinamong pinsala sa katawan at ulo dulot ng pagkakadagan ng ma-bigat na pader na gawa sa adobe.

Hindi naman umabot nang buhay sa Valenzuela City General Hospital (VCGH) ang isa pang biktima na si Christian Serrano, 9 anyos, kapitbahay ng pamilya Pugoy na umano’y namatay sanhi ng pagkalunod sa tubig baha matapos magtangkang matakasan ang pagguho ng pader.

Nasa ligtas namang kalagayan ang dalawang anak ng biktimang si Pugoy na sina Rodel, Jr., 2 anyos; at Rhiver, 1, na nagtamo ng mga galos at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa nakalap na impormasyon kay Ahna Mejia, Public Information Officer (PIO) ng Valenzuela City, naganap ang insidente dakong alas-10 ng umaga habang nasa loob ng bahay ang mga biktima.

Ayon sa kapit-bahay ng mga biktima, bigla na lamang umanong bumagsak ang pader sa bahay ng mga biktima na naging dahilan upang madaganan ang mga ito.

Dahil sa biglaang pagbagsak ay natabunan ang biktimang si Rodel, Sr. habang ang mga anak nitong sina Rodel, Jr. at Rhiver ay nagawang mailigtas ng mga rescue team dahil hindi masyadong natabunan ang katawan ng mga ito.

Sinabi pa ni Mejia na ang biktimang si Serrano ay namatay dahil sa pagkalunod, na ayon umano sa mga kapit-bahay nito, tinangka ng bata na maiwasan na madaganan ng pader ngunit hindi naman nito inakala na malulunod sa tubig-baha.

Sasagutin naman ni Valenzuela City Mayor Sherwin Gatchalian ang hospital bills, burial at financial assistance ng mga biktima maging ang balak na pag-relocate sa mga pamilyang nakatira sa naturang lugar upang maiwasang maulit ang trahedyang ito.

(MARY H. SAPICO)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.