Walang Irregular sa Ranggo ni Pacquiao – Palasyo

DUMIPENSA NA ANG Malacañang sa pagsasabing walang irregular o palakasan sa promosyon ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao sa Reservist Corps.

Mula sa pagiging master seargent, promoted na bilang lieutenant colonel si Pacquiao, kung saan limang ranggo sa AFP Reserve Force ang kanyang nilaktawan.

May sinusunod na protocol sa promotion process at nasunod ito sa kaso ni Pacquiao, ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda.

Bilang kongresista, pasok si Pacman bilang lieutenant colonel tulad ng mga appointed Cabinet secretaries, ambassadors, senador at iba pang elected officials, ani Lacierda.

Dahil dito, hindi na umano kailangang repasuhin ng Palasyo ang promosyon ni Pacquiao at dapat malaman ng publiko ang proseso.

“The position of Cong. Pacquiao, he was promoted to Lt. Col. was due to his position as a congressman. ‘Yun po ang recommendation ng AFP sa Office of the Executive Secretary (OES). Also if you look, ang Cabinet secretary ay isang Lt. Col. din, ang ambassador also has a rank of Lt. Col.,” dagdag pa ni Lacierda.

Una rito, hindi kumbinsido si Dr. Clarita Carlos, isang security expert, sa pagsasabing hindi sapat ang honorary degree ni Pacman, dahil kaya nga tinawag na honorary ay hindi umano pinaghirapan sa tinanggap na propesyon.

Hindi rin aniya sapat ang pagiging isang world boxing champion. Kung matatandaan, ang boksingerong kongresista ay hindi nakatapos sa kolehiyo.

Ayon naman kay acting Army spokesman Maj. Harold Cabunoc, malaking karangalan na ang ibinigay ni Pacquiao sa Pilipinas at liban dito, pinagbasehan din ang natanggap na honoris causa sa Humanities degree sa Southwestern University sa Cebu City.

Sa nilagdaang dokumento ni Executive Secretary Paquito Ochoa, kinomisyon si Pacman batay sa probisyon ng Section 44 ng Republic Act 7077, na ang mga nahalal na opisyal ay maaaring maging commissioned kung sila ay degree holders.

Kahanay na niya sa pagiging reserve Army officers sina Sen. Loren Legarda, Quezon City Mayor Herbert Bautista at Red Cross Chairman Richard Gordon na pawang lieutenant colonel din. (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.